Advertisers
PUMALO pa sa 232,072 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa base sa pinakahuling ulat ng Department of Health (DOH) ngayong alas-4 ng hapon ng Biyernes, Sept. 4.
Inanunsyo rin ng DOH ang panibagong 1,088 recoveries. Sa kabuuan ay mayroon ng 160,549 gumaling mula sa nasabing sakit.
Nakapagtala naman ng 3,714 confirmed cases mula sa ulat ng may 93 out of 113 kasalukuyang operational labs.
Nasa 67,786 na rin ang aktibong kaso ng Covid-19 sa Pilipinas.
Base sa 3,714 reported cases 3,259 (88%) ay nangyari sa loob ng 14 days (August 22 – September 4, 2020).
Ang mga nangunang rehiyon na may mataas na kaso sa loob ng dalawang linggo ay NCR (1,488 o 46%), Region 4A (760 o 23%) and Region 6 (432 o 13%).
Nakapagtala naman ng panibagong 49 na nasawi para sa kabuuang 3,737. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)
***
Pagkuha ng specimen sa bahay ng COVID-19 suspect pwede na – DOH
PAYAG na ang Department of Health (DOH) na kumuha ng specimen mula sa mga suspected coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa kanilang mga tahanan ang mga pribadong laboratoryo sa bansa.
Gayunman, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na may mga ilang kondisyon o requirements bago ito tuluyang payagang maisagawa.
Ayon kay Vergeire, ang home collection ng specimen ay dapat na isagawa ng isang lisensiyadong laboratoryo lamang, na magsisilbi aniyang extension lamang nito.
Ani Vergeire, para sa monitoring purposes ay kailangan rin munang impormahan ng mga pribadong laboratoryo ang DOH na mag-aalok sila ng ganitong serbisyo.
“Ito hong home collection ng specimen, it has to be coming from a licensed laboratory also, so parang extension nila ito, puwede silang mag-provide ng home service pero may mga condition po tayo o requirements,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa telebisyon.
Pinaalalahanan din ni Vergeire ang mga pribadong laboratoryo na dapat na nakasuot ng personal protective equipment (PPE) ang mga personnel na kukuha ng specimen bilang bahagi ng ipinatutupad na health and safety protection ng pamahalaan laban sa COVID-19. (Andi Garcia)