Advertisers
PATAY ang mag-asawang negosyante nang pagbabarilin at nakawin mula sa mga ito ang isang vault na naglalaman ng mga alahas na nagkakahalaga ng P15 million ng riding in tandem kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kinilala ang mga biktima na sina Kulingan Haji Jamil Saad at Junaid Haji Farhan Saad, kapwa nasa hustong gulang at nakatira sa Pasay City.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Sa ulat, 6:25 ng gabi naganap ang insidente sa Ortigas St., Brgy. 76 ng nabanggit na lungsod.
Sakay ang mga biktima ng Hyundai Santa Fe sports utility vehicle na may plakang NAV-5896 at habang binabagtas nila ang nasabing lugar pauwi ng kanilang bahay nang bigla silang harangin ng isang motorsiklo na magkaangkas ang dalawang armadong kalalakihan.
Pinagbabaril ang mga biktima na kaagad nilang ikinasawi at tinangay ng mga salarin ang dalang vault na mga ito, na naglalaman ng mga alahas na nagkakahalaga ng P15 million at mabilis na nagsitakas patungong EDSA.
Nabatid, na ang mga biktima at may tindahan ng mga alahas sa Maynila.
Sinabi ni Pasay Muslim Consultative Council President Sultan Haji Unnos Labay, wala silang nalalaman na may kaaway ang mga biktima.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon hinggil sa insidente.(Gaynor Bonilla)