Advertisers
BUNSOD sa pagkakaroon ng low occupancy rate ng anim na city-run hospitals sa Maynila simula pa noong Aug. 31, labis ang naging pasasalamat at papuri ni Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga residente na nag-‘kusang disiplina, sumunod sa mga health protocols at pinangalagaan ang kanilang sarili.
Pinuri din ni Moreno ang mga medical frontliners ng lungsod dahil sa patuloy na pagtaas ng recovery rate ng COVID-19 cases sa Maynila, base na rin sa record.
Gayunman, binigyang diin pa rin ng alkalde na ang panganib na dala ng virus ay laging nandyan lang at nakaabang sa bawat isa sa atin.
Ayon kay Moreno ang total beds na 943, ang nakalaan dito para sa COVID ay 321. Ang mga okupadong kama ay umabot na lamang sa 165 o 51 percent noong August 31.
“Sana mapanatili nating ganyan. Tulong-tulong tayo, pamahalaan at mamamayan, para meron tayong elbow room kung magkaroon tayo ng ‘surge’ at ‘di mahirapan ang ating medical frontliners,” sabi ni Moreno
Idinagdag pa niya na: “Gusto ko kayong pasalamatan, mga kababayan kong taga-Maynila… siguro nakikita n’yo na din ang gravity o danger ng COVID sa buhay natin… maibibigay ko kredito sa inyo.. sa inyong kusang disiplina, pagsunod, pag-iwas, kusang malasakit sa sarili.”
Para sa kanilang bahagi, sinabi ni Moreno na hindi titigil ang pamahalaang lungsod upang pagandahin ang kalidad ng serbisyong ibinibigay nila sa mamamayan ng Maynila, lalo na sa panahon ng coronavirus crisis. Kasabay nito ay hinikayat din ng alkalde ang publiko na patuloy na sumunod, dahil aniya hindi ito kaya mag-isa ng doktor.
“Kami ay pilit na mag-iinam pero kailangan namin ang tulong ninyo. Di kaya ng doktor lang. ‘Yung behaviour natin, diyan nakasasalay ang paglago ng COVID,” pagdidiin ni Moreno kasabay ng kanyang papuri sa mga medical frontliners na aktibo sa paghingi ng mga kailangang equipments, medicines at iba pang supplies na siyang dahilan din ng mataas na recovery sa lungsod.
“The more na disiplinado tayong mga Batang Maynila, the more na may kakayanan tayong tumugon sa maysakit… huwag sana mabulunan ang ating frontliners,” saad pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)