Advertisers
TATLUMPU’T SIYAM na Filipino seafarers ang nawawala nang lumubog ang kanilang barko sa karagatang sakop ng Japan nitong Miyerkules, Setyembre 2, 2020.
Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Consulate General sa Osaka sa Japanese Coast Guard sa pagkawala ng Panamanian-flagged cargo vessel na may lulan na 43 tripulante, 39 sa mga ito mga Pinoy.
Kaagad na nagpakalat ang Japanese Coast Guard ng mga patrol boat at eroplano para mahanap sa nawawalang cargo vessel.
Sa ngayon, isang Pinoy ang naiulat na nailigtas ng Japanese Coast Guard.
Nanatiling nakasubaybay ang Consulate General sa Osaka sa sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa Japanese Coast Guard para sa paglunsad ng pangalawang misyon sa paghahanap upang mailigtas ang mga tripulante bago dumating ang inaasahang papasok na bagyo sa Japan.
Nakikipag-ugnayan narin ang DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka sa Korpil Ship Management at Manning Corp.upang alamin ang kalagayan ng Pinoy Seafarers. (Lordeth B. Bonilla/Jocelyn Domenden)