Advertisers

Advertisers

LAB NA NAGKALAT NG USED RTK, IPINASARA NA

0 362

Advertisers

MATAPOS na matunton ang laboratoryo na responsable sa maling pagtatapon ng mga gamit na rapid test kits na nagresulta upang mahulog ang mga ito mula sa isang garbage bag at magkalat sa mga lansangan ng Sampaloc, Manila noong Martes ng gabi, ay pansamantala munang ipinasara ito ng pamahalaang lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, inatasan niya si Secretary to the Mayor Bernie Ang na kaagad na isyuhan ng ‘show cause order’ ang CP Diagnostic Center, na matatagpuan sa Suite 404, Equitable Bank Building, C. Palanca Street, Quiapo, sakop ng Barangay 386.

Kaagad din namang naisilbi ni Bureau of Permits Director Levi Facundo ang naturang show cause order nitong Miyerkules kung saan binigyan lamang ni Ang ng tatlong araw ang mga operator ng center na sina Zernan C. Canonigo at Dr. Noval Santos, upang makapagpaliwanag kung bakit hindi sila dapat na kasuhan at parusahan dahil sa insidente.



Tinukoy pa ni Ang na ang ginawa ng naturang laboratoryo ay malinaw na paglabag sa Republic Act No. 9003, o “An Act Providing For An Ecological Solid Waste Management Program” at Republic Act No. 6969, o  ang “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990” dahil sa maling pagtatapon ng mga used rapid test kits, na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad at mga mamamayan.

Binigyang-diin din ni Ang na ang mga gamit na rapid medical test kits ay ikinukonsiderang biohazard at infectious waste dahil may taglay itong mga infectious materials gaya ng dugo, at ang mishandling at pagkakalat sa mga ito ay magdudulot ng banta at panganib sa kalusugan ng publiko. (Andi Garcia)