Advertisers
TINIYAK ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na matatapos ang araw ng mga ismagler ng gulay kapag sinuwerte siya na manalong pangulo sa Mayo 2022.
Sa harap ng may 2,000 magtatanim ng gulay at biyahero ng gulay sa Nueva Ecija, ipinangako ni Yorme Isko – kandidatong pangulo ng partido Aksyon Demokratiko – na “bilang na araw ng mga ismagler ng gulay” sa nangyaring “Listening Tour” sa Barangay Sibul, munisipalidad ng Talavera, lalawigang ito.
Sa kanyang gobyerno, sinabi ni Yorme Isko na magiging panatag ang mga magsasaka ng gulay dahil siya ang magiging kakampi nila.
Sisikip ang mundo ng mga ismagler, pangako ni Yorme.
Taimtim na pinakinggan ni Isko ang malungkot na kalagayan ng mga maggugulay na dahil sa mahigpit na kumpetisyon sa bumabahang imported na gulay, nangyayaring mabilad sa araw at mabulok ang kanilang inaaning kamatis, carrot, bawang at sibuyas dahil sa napakababang presyo sa merkado.
Dahil sa bagsak-presyo, luging-lugi ang mga maggugulay sa malaking gastos sa binhi, pestesidyo, pataba at patubig, dagdag pa ang mahal na pagdadala ng mga produkto sa palengke.
Papayagan lang niya ang importasyon ng bigas sa panahon ng kalamidad at ang dagdag na suplay ay obligadong kuhanin at bilhin sa lokal na produksiyon sa bansa.
“The normal is just one-month reserve. ‘Yung produkto n’yo ang dapat bilhin ng tao,” sabi ni Yorme Isko na ikinatuwa ng mga magsasaka.
Bakit, aniya, kailangang bumili (ng bigas at mga gulay) sa Vietnam at sa Thailand gayong marami namang mabibili mula sa magsasakang Pilipino.
“Pilipino tayo, kaya dapat sa kapwa Pilipino tayo bumibili, hindi sa iba. Pilipino ang dapat na kumita, hindi ang taga-ibang bansa,” diin ni Yorme Isko.
Magpapatupad din siya ng mahigpit na tuntunin sa importasyon ng karneng baboy at manok.
Kailangan na sa lokal na prodyuser ng manok at baboy ang bilhin at tangkilikin ng publiko bago gawin ang pag-angkat sa ibang bansa.
Wika ni Yorme Isko, buong Luzon ay prodyuser ng karne at papayagan lang ang importasyon kung kulang sa suplay ng karne.
“We will do the same with the importation of rice. We should prioritize our farmers. Filipino farmers first,” sabi ni Isko.
Inamin niya na hindi agad makakayang malutas ang lahat ng problema ng sektor ng agrikultura pero higit pa sa makakaya ay gagawin niya upang matulungang makaangat sa buhay ang mga Pilipinong magsasaka.
Tanging maipangangako niya, paliwanag ni Yorme Isko ay mapagaang ang hirap na dinaranas ngayon ng mga magbubukid.
“Maaaring di ko makayang resolbahin nang buo, pero ang magagawa natin ay mapagaan man lamang ang katayuan ninyo.”
Ilan sa solusyong pwedeng gawin ay mapaliit ang gastos nang maparami ang produksiyon ng pagkain, ito ay ang pagkaltas ng 50 porsiyento sa buwis sa langis at koryente, mapaliit ang gastos sa pataba, pestisidyo, patubig at transportasyon at iba pa.
Ipinaliwanag ni Yorme Isko na malulugi ang gobyerno ng P130 bilyon sa kaltas na buwis sa koryente at petrolyo, pero ang kapalit nito ay malaking tipid sa malaking bayarin ng tao.
“Kapag ang P130 billion ay hawak ng tao, ang laking ginhawa sa nanay, sa tatay, sa driver, sa negosyante, ang malaking ginhawa sa farmers. Hopefully in the next two to three years, lumaki naman ang inyong kita,” sabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Mahalaga para matamo ang seguridad sa pagkain at mapalaki ang kinikita ng mga prodyuser ng pagkain ay magdagdag ang gobyerno ng kapital sa agrikultura at pangisdaan, at makapagtayo ng malalaking cold storage sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Sa nakaraang diyalogo sa mga magsasaka sa Tarlac at Oriental Mindoro, sinabi ni Yorme Isko na kung mahusay na maitatago at maiimbak ang mga produktong bukid at dagat tulad ng bigas, gulay, karneng baboy at manok, isda at iba pang produkto sa panahon ng masaganang ani, masisiguro na may pagkain ang mamamayang Pilipino.
Kailangan na maseguro ang pagkain dahil hindi maaari na laging umasa ang Pilipino sa tulong ng ibang bansa, lalo na sa panahon ng pandemya.
Gagamitin ng gobyerno ang mga bodega at imbakan ng National Food Authority (NFA) na nakatayo sa malalawak na lupang gobyerno.
Gamit ang cold storage, maitatago at maiimbak ang mga sobrang ani at madaling mabulok na produktong pagkain, na maibebenta sa tamang presyo at ito ay dagdag na kita ng mga magsasaka at mangingisda.