Advertisers
Social media ang pinakamalakas na uri ngayon ng komunikasyon at pagkakitaan ng mga taong ikinulong at nagkulong sa bahay dahil sa pandemya. Kung ano-anong gimmick ang ginagawa upang mapansin, mapag-usapan at kumita ng pera upang may panggastos.
Ang mga tao’y lubhang maparaan upang kumita ng pera. Social media ang kanilang naging alternatibo sa nawalang hanapbuhay upang may pantustos sa kanilang pangangailangan.
At sa pagmamasid, maraming mga hanapbuhay ngayon ang ginagawa sa kanilang mga tahanan sa paggamit ng computer programs, katulad ng Zoom, kung saan ang mga work-from-home scheme ay tanggap na rin sa lipunan. Magandang trabaho ito para sa mga kabataan o sa mga ‘di gaanong katanda dahil bawas dito ang gastos pasahe, mahal na pagkain at gimmick.
Iwas na sa hawa ng pandemya, kapiling pa ang pamilya at ayos naman ang kita.
Sa new normal na ito, maraming gumagawa ng paraan upang paikutan ang kaayusan upang sumapat sa kanilang mga layunin at pangangailangan, lalo na kung ito’y may masamang intensyon. Nariyan nai-post ang kanilang mga likha upang ipakita na sila’y patuloy na nagsusumikap at masasabi ngang mas malakas pa siya sa kalabaw.
Ngunit, hindi ito mabilis na tinanggap sa social media, lalo na kung ang tumitingin ay ang mga thinking netizen. Ang mga ito’y mapag-analisa at talagang sinusuri ang bawat bagay na ipinopost ng sinuman.
Hindi nila ito tinatanggap nang basta-basta nang walang pag-aaral. Lagi itong may pagdududa o pag-aalangan, lalo’t galing sa mga uto-utong tagasunod. Tumatanggap ang mga ito ng balita, ngunit dapat galing ito sa mga pinagkakatiwalaang mga tao o sources, lalo na rito sa social media.
Silipin natin ang isang larawan sa social media kung saan makikita si Totoy Kulambo’y nakunan na nakaluhod at humahalik sa lupa sa isang lugar sa Sulu. Ang larawang ito’y umani ng iba’t-ibang reaksyon sa mga netizen kung ito raw ba ay tunay o kamukha lamang ba ni Totoy Kulambo–sino nga ba to’?
Ang mga netizen ay nagsasabing hindi kaya ni Totoy Kulambo na maglakad nang matagal at ayaw nitong pumunta sa Sulu, kaya’t malamang ang nakitang pumunta’y kawangis lamang.
Sa pagsusuri, hindi nakita ang kanyang mga marka sa katawan, kamay o bisig na dala ng orihinal na Totoy Kulambo, na talaga namang kita sa mga nakaraang media conference.
Kapansin-pansin na balo’t na balot ang mukha nito, na para bang ayaw magpakita ng hilatsa’t puro kaway lamang ang ginagawa na taliwas sa orihinal. Sino to’?
Ang ganitong gimmick ng palasyo na gumagamit ng kung sinong taong kahawig ni Totoy Kulambo upang ipalabas na talagang maayos ang kasalukuyang kalagayan pang kalusugan nito’y parang hindi katanggap-tanggap.
At puwedeng masabi natin na takot ang mainstream media sa kasalukuyang administrasyon at ayaw magaya sa sinapit ng ABS-CBN at iba pang media personality. Tunay nga na ang pagbabalita’y pili at may kinikilingan, ngunit ito’y hindi makalalagpas sa mga mapanuring mata ng ating mga netizen na talaga namang maaasahan na ilalabas ang katotohanan. Ito ang serbisyong tunay para sa bayan.
Maraming beses ginamit ang mga look-a-like at friendly media ang nagdadala nito. Subalit handa ang SocMed upang bigyan ng alternatibo at tamang balita ang mga mamamayan.
Sa paggamit ng look-a-like maraming mga sikat na tao ang gumawa nito ngunit tanging kahihiyan lamang ang kanilang inabot at pagkondena ng mga tao. Mabuting ipakita ang totoo upang ang pangarap mong maging dakila’y magkaroon ng konting silip sa kinabukasan… pero ang pagsunod sa Saligang Batas ay huwag mong kalimutan.
Sana’y masagot ang mga tanong ng taong bayan hinggil sa iyong kalusugan at sa Sulu incident kung saan lumabas ka kuno at may taong nagpanggap na siya si Totoy Kulambo.
Kahit halatang obvious na hindi ikaw iyon, ang pagsabi nang tapat ay pagsasama nang maluwag. Maraming tao ang nahihiwagaan sa mga kilos mo ng mga nakaraang araw at isa na rito sa pinakamainit na usapin sa bansa ay ang pagsasabi mo sa kalagayan ng iyong kalusugan.
Huwag mong kalimutan, Totoy Kulambo, na minamataan ng taong bayan ang iyong bawat kilos at pahayag. Kung maaari, pwede mo bang ibahagi sa amin, sa mainstream media o sa social media, kung sino at taga saan ang iyong look-a-like na talagang parang look-a-lie.
Sa mga alipores ni Totoy Kulambo, maging bukas kayo sa taong bayan. Ang inyong katapatan sa inyong sinumpaang tungkulin ang inyong panatilihin dahil si Juan Pasan Krus ang siyang nagluklok sa inyo.
At sa mga naitalaga, nasasaad sa Konstitusyon kung ano ang kaukulang parusa sa mga kasalanang inyong ginawa. Kung sino man ang utak ni look-a-lie este look-a-like pala, huwag mag-alala at pananagutin ka rin sa takdang panahon.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com