Advertisers

Advertisers

DEVELOPER NAMAHAGI NG AYUDA KAHIT PINOPROTESTA NG INFORMAL SETTLERS

0 391

Advertisers

SA kabila ng pagpoprotesta ng informal settlers (IS) na manipulado ng mga landgrabber ay ipinakita parin ng San Cristobal Realty and Development Corporation (SCRDC) ng pamilyang Yulo ang pagtulong sa mga nagsiukupang mahihirap na pami-pamilya sa lupaing pag-aari nito sa Sitio Matang Tubig at Banias sa Canlubang, Calamba, Laguna ngayong panahon ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pamimigay ng relief goods.

Bukod dito ay disenteng pabahay ang itinatayo ngayon sa Barangay Buntog at Mahada bilang relokasyon ng mga nasabing IS. Bukod pa ito sa ibang ayuda na ipinamamahagi hanggang ngayon sa kanila katulad ng bigas, pang-ulam at iba pang “essentials.” Namigay rin ng tablet at bisikleta partikular na sa mga estudyanteng anak ng mga IS na pinapaniwala ng sindikatong mapapasakanila ang lupang kinatatayuan ng kanilang mga pamamahay.

Ayon kay Renard Masongsong, project manager ng Excelsum Property Solutions Inc. (EPSI) na nangangasiwa sa relokasyon ng informal settlers, sa panayam ni Daniel Castro ng programang “Diskarte” sa DZJV, inihahanda na nila ang kaukulang kaso laban sa mga bumubuo ng land grabbing syndicate.



Ang sindikato ng professional squatters ay pinangungunahan umano ng mga sumusunod: Ruel Navarro, Almario Villarete sa Matang Tubig at isang Iyang Marasigan Mangubat sa Sitio Banias.

Lumalabas na sa kabila ng magandang “offer” ng Yulo family sa mga IS, patuloy parin ang kanilang pakikipaglaban sa lupaing hindi nila pag-aari, ayon pa kay Masongsong.

Ipinaglalaban ng mga nagsasaka sa lupain na dapat umano’y isinailalim sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang naturang real estate na may sukat na mahigit 700 ektarya.

Gayon paman, nagpakita ng 4-pahinang dokumento ang SCRDC na nagsasaad na “excluded/exempted” ito sa CARP batay sa klasipikasyon nito bilang “residential and forest conservation zone.” Ito ay ayon sa desisyon ng Dept. of Agrarian Reform (DAR) noong Abril 30, 1998.

Pati ang Kabataan Party List-Laguna ay sumasali narin sa usaping ito at inaakusahan ang SCRDC ng pananakot at harassment.



Kaugnay ng kanilang protesta, ayon sa private developer, ginagamit pa ng land grabbing syndicate ang mga senior citizen, mga kababaihan at mga bata bilang frontliners sa isinasagawang pagpipiket sa lugar. May 30 taon na ang “labanan” ng may 120 residente at SCRDC, ayon pa kay Masongsong.

Ang lalong nagpapainit ng sitwasyon ay ang pakikisawsaw ng ilan na hindi residente sa lugar at ilang pulitiko na pumapanig sa isang grupo gayong hindi naman nila alam ang puno’t dulo ng istorya.

Itinanggi ng mga guwardiya ng SCRDC na sila’y nagpaputok ng baril sa gitna ng kanilang mainitang pakikipagtalo sa mga IS, at iyon umano ay galing sa grupo ng huli. Nagkaroon din ng sunog sa lugar kamakailan at hinihinalang ito ay galing sa imbak na ammunition ng sindikato.

Ang masakit pa ay ang pananamantala ng sindikato sa mga IS na nagbabayad sa kanila sa paniwalang mapapasakanila ang lupaing kinatitirikan ng kanilang mga bahay na marami ay kongkreto na.

Ibinulgar ni Masongsong na marami na ang nagnanais na tumanggap ng kanilang offer na relokasyon, subalit natatakot na sila’y balikan o gantihan ng sindikato: “May 60 signatories na kami kaya lang marami sa kanila ay palihim na pumirma. Nakakalungkot na sila’y ginagamit ng sindikato upang isulong ang kanilang pansariling interes.”

May mga ulat din na talamak ang illegal activities sa lugar, kabilang na ang jueteng, katay motor, illegal possession of firearms and explosives at pati na ang bentahan ng iligal na droga.

Kamakailan lang ay nagtungo sa lugar ang mga kinatawan ng SCRDC upang mamigay ng mga ayuda sa mga residente. Ito ay bahagi ng kanilang corporate social responsibility (CSR) at hindi “suhol.” “We want to preserve the good image of SCRDC,” ani Masongsong.

Pero sa kabila ng ginagawa ng kompanya, nanawagan ang grupo ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan o KASAMA-TK na sama-sama umanong “tuligsain at kundinahin ang pamilya Yulo sa patuloy nitong pandarahas sa mga magsasaka…”

Sa kabila nito, binigyang-diin ni Masongsong ang kahalagahan ng probisyon ng RA 7279, na ang Article VII, Section 27, Action Against Professional Squatters and Squatting Syndicates, ay nagsasaad na – The Local Government Units (LGUs), in cooperation with the PNP, PCUP – accredited urban poor organizations in the area, shall adopt measures to identify and effectively curtail the nefarious and illegal activities of professional squatters and squatting syndicates, as herein defined…” (PFT Team)