Advertisers
NABABAHALA ang Department of Health (DOH) sa ulat na maraming recycled disposable mask ang binebenta ngayon sa merkado kaya naman pinag-iingat ang publiko sa pagbili ng mga face masks at tiyaking sa mga awtorisadong botika at medical supplies stores lamang bibili ng mga ito.
Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire na may natanggap na silang ganitong impormasyon ngunit wala pa aniya silang nakukuhang kumpirmasyon hinggil dito.
Gayunman, payo ni Vergeire, mas makabubuti nang maging maingat at bumili na lamang ng mga face masks sa mga botika at medical supplies stores.
Ayon kay Vergeire, simula’t sapul naman ay may mga guidelines na silang ipinatutupad hinggil sa tamang pagtatapon o safety disposal ng mga personal protective equipments (PPEs) gaya ng disposable face masks, na dapat aniyang ilagay sa hiwalay na plastic bag.
“We have received this kind of information yesterday and pinag-uusapan nga namin pero gusto lang namin iparating sa ating mga kababayan na simula’t sapul meron po tayong guidelines na pinalabas… regarding the safety disposal of PPEs including the masks so kailangan lang po especially sa household na ilagay lang po natin sa separate na plastic bag ito pong mga masks na ito,” dagdag pa ni Vergeire.
Pinaburan din ni Vergeire ang pagsira o paggupit muna sa mga face masks bago itapon upang hindi na maipagbili pang muli, ngunit dapat aniyang tiyaking lilinising mabuti at idi-disinfect ang gunting na gagamitin at maghuhugas na mabuti ng kamay pagkatapos itong gawin. (Andi Garcia)