Advertisers
NAGSALITA na nitong Lunes ang Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil sa isyu ng pandaraya laban sa More Electric and Power Corporation na umano’y naniningil ng mataas sa system loss sa consumers sa Iloilo.
Paliwanag ng ERC, nasusunod ng Distribution Utilities (DUs) ang itinakda nilang system loss cap. Pinasinungalingan nito ang isyu ng Panay Electric Company (PECO) laban sa More Power na nag-overcharge sa system loss.
Say ni ERC Chairman Agnes Devanadera, mahigpit nilang binabantayan ang pagsunod ng mga DU sa itinakda nilang system loss cap.
Sa ilalim ng ERC rules, ang mga DU ay kailangan magsumite ng kanilang system loss reports kada buwan, gayundin ang sworn statement annual report na nagpapakita ng kanilang system loss. Kaya nakikita rito ng ERC kung mayroong hindi sumusunod.
Simula 2018 ay nagpatupad na ng system loss cap na 6.5% ang ERC sa lahat ng DUs. Ito’y upang mapababa ang binabayaran ng customers batay sa itinatakda ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Ang More Power ay inakusahan ng Koalisyon Bantay Kur-yente (KBK) na “kakampi” ng PECO na nag-overcharge ng 7.1 percent sa system loss, lagpas sa cap na 6.5 percent.
Sabi ng PECO, mula nang magsimula ang kanilang operasyon Pebrero 2020 ay nasa 6% system loss lang ang kanilang pinapasa sa consumers, mas mababa sa cap na itinatakda ng ERC.
Nagpramis pa ang More Power na mapabababa pa nila ang system loss sa loob ng susunod na tatlong taon kapag nakumpleto na ang kanilang modernization program.
Dalawang klase ang system loss: Una ay technical o ang nawawalang kuryente habang nagta-transmit mula sa generation company patungo sa DUs. Kung maayos ang distribution system ay walang maaaksayang kuryente. Ikalawa, ang non technical o ang nawawalang kuryente dahil sa pilferage o jumper. Ang bayad sa nawawalang kuryente na ito ay sinisingil din sa customers sa pamamagitan ng systems loss charge.
Naging kontrobersiyal noon ang mataas na system loss sa Iloilo City sa ilalim ng PECO dahil umabot ito sa 9.93% noong 2017, pinakamataas sa lahat ng private utilities sa bansa.
Pinakamataas din ang generation charge na sinisingil ng PECO na nasa P2.50kwh, mas mataas pa kaysa malalaking lugar gaya ng Manila, Cebu at Davao.
Tinuring din na pinakamataas ang singil sa kuryente sa Iloilo sa ilalim ng PECO sa mahigit 70 bansa sa mundo. Ito ay resulta ng mga lumang distribution lines, transformers at substations na dekada 70 pa naitayo at ang nadiskubreng 30,000 illegal power connection.
***
Problema rin ngayon ang patay-sindi na kuryente sa Tablas island, Romblon, na pinatatakbo ng TELCO.
Ang labis na apektado rito ay ang online learning ng mga mag-aaral. Dahil umaabot sa ilang oras ang brownout. Pag walang kuryente, walang signal ang internet, tigil ang pag-aaral ng mga estudyante.
Matagal nang ganito ang problema sa TELCO. Hindi yata nila ina-upgrade ang kanilang mga gamit eh.
Ganito rin ang inirereklamo ng mga titser at estudyante sa Lubao, Pampanga. Umaabot daw sa tatlo hanggang apat na oras ang brownout kada araw.
Ang distribution utility sa Lubao ay ang PELCO, na pag-aari raw ng mga Pineda.
Gov. Pineda, kailangan nyo na siguro ipa-upgrade ang mga gamit at pasilidad ng PELCO. Mismo!
Ang mga ganitong problema ay dapat aksiyunan ng ERC. Imbestigahan itong distribution utilities na pabaya sa kanilang serbisyo-negosyo.
ERC Chairman Devanadera, aksyon!