Advertisers
SA isang madamdaming tula, inilarawan ng makatang Russo na si Robert Rozhdestvensky ang makulay na buhay ng isang stuntman sa pelikula. Kapag ninerbiyos ang bida na tumalon mula sa isang rumaragasang sasakyan, o mataas na gusali, o kaya ay gininaw sa malamig na tubig, ang stuntman ang gaganap na mahalagang papel. Siya ang tatayong dobol ng bida.
Madalas ang tagpo na dobol ang napapahamak. Siya ang nababalian ng buto, nakokomang ang mga kamay, nabubungi ang mga ngipin, nasusunog ang balat lalo kung gumamit ng mga sumasabog na kemikal, at paminsan-minsan, namamatay. Siya ang pumapasan ng hirap ng dapat ginagawa ng bida sa pelikula.
Noong Linggo, ibinalita ng Malacañang na pupunta si Rodrigo Duterte sa Jolo upang magpugay sa pook kung saan may sumabog na isang bomba na kumitil sa buhay ng anim na sundalo. Dahil sa tindi ng public pressure na nagtatanong kung nasaan si Duterte dahil sa halos isang buwan na walang paliwanag na pamamahinga, napilitan si Bong Go at ilang kampon na palabasin si Duterte upang masabing buhay na buhay ang lider.
May inilabas na larawan ang Malacañang. Dahil walang kasamang kasapi ng Malacañang Press Corps sa biyahe sa Jolo, tanging ang mga larawan lamang na galing Malacañang ang lumabas sa social media, telebisyon, at mga pahayagan. Hindi namin alam kung bakit hindi isinama ang mga mamamahayag na nakabase sa Malacañang. Si Bong Go ang kumukumpas ng lahat-lahat.
Subalit napakaraming mamamayan ang hindi naniniwala na si Duterte ang humahalik sa lupa sa Jolo kung saan may dalawang bombang sumabog. Mukhang dobol, o impostor, ang lalaki. Sa ganang kanila, mahina na ang pangangatawan ni Duterte upang makayuko at humalik sa lupa. Kamay ng isang bata-batang tao ang kanilang nasaksihan.
Hindi makilala ang sinasabing impostor sapagkat may takip ang mukha ng malaking bandana, nakasuot ng dark glasses, at may sombrero na nakatakip sa kanyang ulo. Mukhang may matikas na pangangatawan at isa itong dahilan upang magduda ang maraming mamamayan. Maliksi rin siyang kumilos na kakaiba kay Duterte na may kabagalan.
Ngunit totoong masinop ang maraming netizen at nakita nila ang kaibahan ng impostor kung ihahambing kay Duterte. Base sa larawan, may kuntil sa tenga ang lumuhod samantalang wala si Duterte; may kaliitan din ang kanyang tenga samantalang malaki ang kay Duterte.
Maikli ang mga daliri ng impostor samantalang mahaba ang kay Duterte. Dito nagkabukingan ng totoo. May tattoo ng initial ng Guardian Brotherhood si Duterte sa kanang kamay, samantalang malinis ang impostor.
May mga netizen na nagsabing masanay tayo sa mga susunod na araw na gagamit ang Malacañang ng mga impostor, o dobol, para palabasin na walang sakit ni Duterte. Pero ang totoo, masahol pa sa takbo ng roller coaster ang kanyang kalusugan. Biglang akyat at biglang bulusok sa isang iglap.
***
TULAD ng inaasahan, lumabas noong Lunes ng gabi si Duterte sa telebisyon. Payat pa rin ang pangangatawan at mataas ang balikat, at mukhang nangingitim pa rin ang mukha. Hindi ito nangangahulugan na walang sakit si Duterte at malakas pa sa kalabaw.
Ang totoo ay mukha pa rin siyang may mabigat na karamdaman bagaman may ibang sigla. Laro lang sa gamot iyan, sabi sa amin ng aming kaibigan manggagamot. Kapag matindi ang masakit at totoong namimilipit, pinatutulog siya sa downer. Binibigyan siya ng opiod para mapawi ang sakit. Kasama na diyan ang Fentanyl, aniya.
Kapag wala ang sakit kahit pansamantala, binibigyan naman siya ng upper para sumigla. Kaya nag-iiba ang kanyang timpla. Mayroon siyang kakaibang sigla. Laro ng downer at upper iyan, aniya. Alam ng mga doktor iyan. Hindi sila nagtataka at walang bago diyan.
Samakatuwid, hindi magaling si Duterte sa mga karamdaman. Gamot ang bumubuhay sa kaya.
***
MAY bagong presidente at CEO ang PhilHealth, ngunit hindi natutuwa ang medical community. Hinirang si Dante Gierran bilang kapalit ni Ricardo Morales, ang kontrobersiyal na retiradong heneral na isinabit sa maraming anomalya. Si Gierran ang director ng National Bureau of Investigation.
Parehong taga-Davao City si Gierran at Morales. Subalit may masamang reputasyon si Gierran. Unang naibalita na sangkot siya sa mga patayan sa Davao City noong alkalde pa si Rodrigo Duterte ng siyudad na iyan. Itinuro siya ni Edgardo Matobato bilang kasama sa DDS, o Davao Death Squad.
Hindi natutuwa ang medical communty sapagkat sa ganang kanila walang sapat na kaalaman at kasanayan si Gierran upang mapatakbo ang PhilHealth na isa sa mga pinakamalaking GOCC sa bansa. Siya na rin ang nagsabi na wala siyang alam sa pagpapatakbo ng pampublikong kalusugan. Sa totoo lang, takot sya, aniya. Walang background sa medisina si Gierran.
Hindi malaman kung bakit napili si Gierra maliban sa kababayan siya ni Duterte. Hindi rin malaman kung bakit tinanggap niya kahit alam niya wala siyang alam. Sinasabing ang tanging alam niya ay marami siyang alam na mga lihim ni Duterte.
***
MGA PILING SALITA: “Ang susi sa Covid ay maskara, hugas kamay, at social distancing. Kapag maganda, puede tabihan. Kapag may asawa, layuan para iwas disgrasya…” – Rodrigo Duterte
“Dati, health is wealth. Ngayon, PhilHealth is wealth.” – Jun Viernes, netizen
“I will end my speech with an appeal that if we cannot really agree, then we fight, and we fight hard hanggang magkaubusan na. Maybe by the time na ubos na ang lahat, wala nang giyera.” – Rodrigo Duterte
“No, it wasn’t singer and composer Jose Mari Chan, who had started the practice of singing Christmas carols and playing records of Christmas songs the moment the ‘Ber’ Months start. As far as I remember, it was radio host Johnny de Leon, who started this practice. Starting every first of September every year, Johnny de Leon played Christmas songs. He was the only guy who did it during his time. It was his practice. It has later become part of the mass culture. People of my age would not dispute this fact because I am sure the host of the radio program ‘Lundagin Mo, Baby’ did it every year. Just to be fair to Johnny and Jose Mari. Jose Mari Chan was never in the conversation during those heady days.” – Philip Lustre Jr.
“The Duterte fist salute is the devil’s salute. It’s cursed. May malas iyan.” – Archie Mendoza
Email:bootsfra@yahoo.com