Advertisers

Advertisers

SECOND WAVE NA PAY-OUT NG SAP, NATIKBALANG!

0 508

Advertisers

KUNTODO ang propagandang lumulutang mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umaabot na raw sa 95 percent na low-income households sa bansa ang naaabot na ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Kaya sa pagtataya ng DSWD ay naipamahagi na ng kanilang tanggapan ang second tranche ng nasabing ayuda sa may 13,544,710 mga beneficiaries sa buong kapuluan na umabot sa halagang Php 81.1 bilyon.

Ito ay bahagi ng pondong Php275 bilyon na inilabas ng pamahalaang Duterte para sa mga mahihirap na mamamayang apektado ng COVID-19.



Ang nabanggit na pigura ay siyang inihayag ng pamunuan ng DSWD nang magkaroon ng pagdinig ang House Committtee on Good Government and Public Accountability kamakailan para linawin sa naturang tanggapan ang progreso ng kanilang pamamahagi ng naturang ayuda.

Sinabi pa ng DSWD official na maipamamahagi ng kanilang tanggapan sa lahat na eligible na beneficiaries ang second tranche ng SAP sa sandaling mapasakamay na nila ang mga dokumentong rekisitos para maproseso na ng FSPs (financial service providers) ang paglilipat ng pondo para sa mga rehistradong benepisaryo.

Nagulo ang tabakuhan sa DSWD nang magkaroon ng FSPs sa halip na direktang mamudmod ng pondo ay ang mga tauhan ng DSWD sa pakikipagtulungan ng mga barangay chairmen at opisyales nito.

Bagama’t may mga lumitaw na reklamo tulad ng malawakang delihensya at kutsabahan ng mga kabesa ng barangay at ilang tiwaling DSWD personnel para pagkitaan ang SAP ay masasabing tagumpay na rin ang pamamahagi ng nabanggit na ayuda at narating ang mga mahihirap sa pinakamahihirap na mamamayan.

Habang ipinamamahagi noon pang buwan ng Abril ng kasulukuyang taon ang unang bugso ng SAP ay ipinagbanduhan na ni DSWD Secretary Rolando Bautista ang napipintong pamamahagi na rin ng second tranche ng naturang financial aid.



Ngayon ay halos maglilimang buwan na simula nang ianunsyo ng butihing kalihim ang nakatakdang pamimigay ng second wave ng naturang ayuda ngunit nganga pa rin ang milyon-milyong Pedro at Maria ng ating bansa.

Ang kanilang tanong: Saang lupalop dinala ng DSWD ang naturang bilyones na halaga ng ayuda, totoo bang natikbalang na ang naturang pondo kaya di nakararating sa mga benepisaryo?

Pinagkitaan ba o may nakinabang na opisyales ng DSWD sa pagkuha ng service provider sa pamamahagi ng nasabing ayuda?

Sa bisa ng Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020 ay napagtibay ang pagkakaloob ng subsidy para sa mga kwalipikadong benepisaryo ng mula sa halagang Php5,000 hanggang sa PHP8,000 sa loob ng dalawang buwan, kaalinsabay ng pananalasa sa Pinas ng COVID-19 simula noong buwan ng Marso.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com