Advertisers
MAG-ISANG buwan nang isang beses sa isang linggo nalang nagsasalita sa national TV si Pangulong Rody Duterte. Recorded at edited pa ito. At sa gabi pa ginagawa ang kanyang pakikipagpulong sa ilang miyembro ng kanyang gabinete sa kanilang lungsod, Davao.
Bagama’t nitong Linggo ng gabi ay pumunta si Pangulo sa Jolo, Sulu para bisitahin ang lugar kungsaan magkasunod na su-mabog ang suicide bombers, hindi naman siya nagsama ng media, maliban sa camera man para sa state-run PTV-4.
Si Senador Bong Go, na nagsisilbi paring closed aid ng pangulo, lang ang nag-post ng larawan na hinahalikan ni Duterte ang lupa, ang pinagsabugan ng unang female suicide bomber na ikinasawi ng 14 katao, karamihan sundalo. Ang 2nd bomber na su-mabog ay isa ang nasawi, pulis, pero marami ang nasugatan.
Gusto marahil patunayan ni Sen. Go na malakas pa nga sa kalabaw si Pangulong Duterte kaya pinost niya sa social media ang paghalik ng pangulo sa lupa.
Mainit na isyu kasi ngayon ang kalusugan ng pangulo simula nang pumutok ang isyu na isinugod ito ng private medical plane sa Singapore three weeks ago.
Pero iba ang reaksiyon ng netizens nang makita ang larawan ni Pangulong Duterte na humahalik sa lupa. “PR” lang daw ito, drama lang. Kung talagang may malasakit daw si Duterte sa mga naganap na pagsabog na gawa ng mga terorista, dili sana’y hinalikan niya rin ang mga lupa kungsaan marami ang nasawi sa mga pagsabog tulad ng sa Jolo Cathedral bombing at Marawi siege.
At kung gusto lang daw ipakita ni Sen. Go na malakas pa nga sa kalabaw at walang iniindang karamdaman ang Pangulo, dapat ay naka-live niyang binibidyuhan ang pangulo habang naglalakad ito, pagluhod nang hinahalikan ang lupa at ang pagtayo ng walang alalay. May punto ang netizens.
Kasi nga naman… nakikita sa TV ang problemado nang mga hakbang ni Pangulong Duterte, tapos inaalalayan nalang siya sa pag-upo at pagtayo. Kaya mahirap talagang paniwalaan na nasa hustong kondisyon pa ang katawan ng pangulo.
Maging nang magsalita siya sa TV sa Jolo that Sunday night ay hindi rin ipinakita ang kanyang paglalakad. Ang ipinakita ay nang magsalita na ito. At nang matapos magsalita ay off agad ang camera. Kaya mag-iisip ka talaga sa lagay ng kalusugan ni Pangulong Duterte.
Sabi pa ng netizens, ngayong malaki ang problema ng bansa sa pandemya ng Covid-19, kungsaan ilang libo na ang nasawi at infected ng virus, dapat ay madalas magsalita ang pangulo sa publiko, hindi ‘yung pasulpot-sulpot tapos alanganing oras pa sa gabi at recorded nalang ang ini-ere kinabukasan.
Higit limang buwan nang nasa ilalim ng quarantine ang Pilipinas simula Marso 17. Hanggang ngayon ay wala pang inihahayag na plano ang Pangulo para malagpasan na ang problemang ito sa Covid. Ang tanging inaanunsyo niya ay maghintay tayo ng vaccine mula China o Russia. Tsk tsk tsk…
Ang Pilipinas nalang ang bansang nasa ilalim ng quarantine, habang ang maraming bansa na halos kasabay lang ng natin na nagdeklara ng lockdown ay nakabalik na sa normal.
P415 billion narin ang naubos kuno ng gobyerno sa paglaban sa Covid.
Ang Pilipinas ay nakabaon na sa P9 trillion na utang.
Kawawa talaga ang sunod na administrasyon sa pagkalugmok na ito ng bansa, na iniwang masagana ng mga nakaraang administrasyon.
Si Duterte ay may 2 years pang nalalabi sa kanyang termino para maayos ang napakalaki nang problemang ito ng bansa. At paano niya pa magagampanan ng maige ang pagiging lider ng 107 Filipino kung pasulpot-sulpot nalang siya sa Palasyo?
Kung hindi na kaya ng katawan ni Duterte pamunuan ang bansa, gayahin niya ang Prime Minister ng Japan na si Shinzo Abe na nagbitiw dahil ‘di nya na raw magawa ang kanyang trabaho dahil mayroon na siyang karamdaman. Kahanga-hanga.