Advertisers
Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na lalo lang napahihirapan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang mahihirap at vulnerable sectors kaya pabor siya sa panukalang amyendahan ang Oil Deregulation Law.
Sinabi ni Go na dapat nang baguhin ang nasabing batas kung ito ay makatutulong sa sambayanang Filipino, lalo na sa mahihirap na lubos na apektado ng pandaigdigang pagtaas ng halaga ng langis.
“Ako, pabor po ako na kung kailangan na amyendahan ngayon (ang batas) dahil tumataas po ‘yung presyo ng krudo, we have to sacrifice…meaning eh magsasakripisyo tayo ng mahigit 100 bilyon,” sabi ni Go sa ambush interview sa kanya sa Puerto Princesa, Palawan.
Ikinalungkot ni Go ang katotohanang walang katumbas na hirap ang dinaranas ng mahihirap sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo kaya iminungkahi na ang pag-amyenda sa batas ay maaaring magpagaan ng pasanin.
“Eh kailangan ho nating magsakripisyo dahil ang apektado po dito ‘yung mga mahihirap po. Hindi naman po mayayaman ang apektado dito, kung kailangan i-amend, pabor po ako diyan,” ayon kay Go.
Tumaas ang mga presyo ng enerhiya mula sa record low na naabot noong 2020 habang ang pambansang ekonomiya ay unti-unting nagbubukas muli sa pagluwag ng mga paghihigpit, halos dalawang taon nang magsimula ang pandemya.
Kasunod ng pagtalon sa ikatlong quarter, inaasahan ng World Bank na mananatiling mataas ang pandaigdigang presyo ng langis hanggang 2022. Nagdaragdag ito sa inflationary pressure sa mga bansang tulad ng Pilipinas na lubos na umaasa sa imported na langis.
Ang mga presyo ng enerhiya ay hinuhulaan na mas mataas sa 2021 kaysa sa 2020, at mananatili sa antas na iyon hanggang sa unang kalahati ng 2022.
“Itong mga gasolina at krudo, ginagamit po sa transportasyon, sila po ang apektado dito… we have to adjust and we have to sacrifice… para sa mga mahihirap po, gawin po natin,” paliwanang ng senador.
Nauna rito, ikinagalak ni Go ang desisyon ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee na binubuo ng Office of the President, Department of Budget and Management, Department of Finance, at National Economic and Development Authority, na magbigay ng fuel subsidies sa public utility drivers na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis sa mundo.
“Nagpapasalamat ako sa kanilang mabilis na pagtugon sa panawagan natin. Alam naman po natin na sa pagtaas ng presyo ng langis, sabay ring tumataas ang presyo ng pangunahing bilihin. Pabigat po ito lalo na sa mga karaniwang Pilipino, lalo’t may pandemya. Kaya naman malaki po ang maitutulong ng subsidiyang ito upang kahit papaano ay maibsan ang suliraning ito,” ayon kay Go.
Upang matugunan ang pasanin na ipinapataw ng pagtaas ng presyo ng langis sa publiko, maglalabas ang gobyerno ng P1 bilyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para magbigay ng cash grants sa humigit-kumulang 178,000 bonafide PUV drivers sa mga natitirang buwan ng taon.
Ang mga ito ay ipamamahagi gamit ang sistemang itinatag sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB.