Advertisers
NAG-WARNING si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga tolongges na magsasamantala sa drive-thru COVID testing center para pagkakitaan ng ang mga taong gustong magpa-test pero ayaw pumila.
Dahil dito ay inutos na ni Moreno ang pag-aresto sa apat na pedicab drivers na tinawag niyang ‘mga tolongges sa pila’, makaraan ang imbestigasyon na nag-ugat sa reklamo ng isang netizen na pumipila ang mga ito sa drive-thru test center sa Bonifacio Shrine sa Lawton sa gabi pa lang at ibebenta ang pila sa mga vehicle owners sa sandaling magbukas na ang center kinabukasan.
Napabuntung-hininga na lamang si Moreno sa pagkasuya sa mga taong pinagkakakitaan ang mahabang pila sa pamamagitan ng pagbebenta nito sa halagang P200 o higit pa.
“Alam nyo, 12:30 a.m. pa lang, minsan alas-9 ng gabi pa lang puno na ang Lawton. Nagtitiyaga sila dahil alam nila na sa Maynila pantay-pantay. Etong mga salbahe…naku, Diyos ko, nakaisip ka ng paraan ginawa namang oportunidad ng mga ito. Mga tolongges sa pila”, malungkot na pahayag ni Moreno.
Kamakailan lamang ay binuksan nina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang dalawang drive-thru COVID testing center sa Bonifacio Shrine at sa Quirino Grandstand sa Luneta sa loob lamang ng apat na araw.
At dahil libre ang nasabing test center mula sa mga taga-Maynila at hindi taga-Maynila at dinarayo ito ng mga motorista na siyang dahilan ng mahabang pila, hanggang punto na ang iba ay nagpapalipas na lamang ng gabi sa pila para makapagpasuri kinabukasan.
Dahil sa pangyayaring ito ay madami ang hindi umaabot sa cut-off dahil na rin sa sarado pa ang center ay nakapila na mga motorista at doon na nagpalipas ng gabi.
Ang mga nasabi centers ay bukas Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Ang Bonifacio Shrine drive-thru ay kayang sumuri ng hanggang 200 katao habang ang Quirino Grandstand naman ay kaya hanggang 700 katao. (ANDI GARCIA)