Advertisers
MAY nangyayari bang sabotahe sa Bureau of Customs?
Tulad ba ng PhilHealth, sistematiko ang katiwalian sa Aduana?
May “mafia” ba sa BoC at napaglalaruan ng mga pinagkakatiwalaang opisyal at tauhan niya si Customs Comm. Rey Leonardo Guerrero?
Bueno, narito ang ilan sa kumakalat na usap-usapan tungkol sa Intelligence unit ng (IG) at Enforcement Group (EG).
***
Trabaho ng grupong ito na makatulong sa paglakas ng revenue collection ng gobyerno, pero tila raw hindi nagagawa ng IG at EG ang mga tungkulin nito?
Ibang bulsa ang pumipintog sa “koleksiyon” hindi ang kaban ng BoC.
Bulsa kaya nino ang may malaking “koleksiyon”?
***
Kamakailan, lumabas ang maraming reklamo ng mga lehitimong importer at broker.
Kumpleto naman sila ng kailangang dokumentasyon, maayos ang kanilang transaksiyon pero hindi nila mai-release ang kanilang importasyon, at maraming rekisitos ang hinihingi.
Nangyayari, delay ang release ng kanilang kargamento, at upang hindi na maabala at madagdagan ang pagkalugi, ayaw man ng mga importer at broker, napupuwersa sila na ibigay ang hinihingi ng mga korap sa IG at EG.
Nagbibigay sila ng malaking suhol para maayos ang release ng kanilang kargamento, susmaryosep!
***
Isa pang idinadaing ng matitinong stakeholder at broker ay ang kaliwa’t kanang alert orders na ginagawa ng mga grupong ito.
Sila ang hina-harass, imbes na asikasuhin at imbestigahan at usigin ng mga tropang ito ay ang mga ismagler at mga magnanakaw sa buwis ng bayan.
Tila ang tinatarget ng mga grupong ito ay ang sariling “target collection” ng sariling mga bulsa?
***
Halimbawa itong tungkol sa nailabas o pinalusot na more or less 50 kargamento na ang sabi ng mga sources sa BoC ay kapiranggot lamang ang binayarang buwis.
Isang mataas daw na opisyal ng Management Information Systems Technology Group (MISTG) sa BoC ang naging “ninong” ng importer at umano’ý nag-process ng release ng shipment na malapit daw o malakas ang koneksiyon sa “Davao Group.”
Alam mo ba ito, Comm. Guerrero?
Sabi, baka raw sinadya o pinalusot ang more or less 50 importasyong ito na nasa kategoryang “single entry”, pero ang katotohanan ang lahat ay General Merchandise (GM).
At ayon sa rekord, ang mga kargamentong ito na puro “GM”, umabot lamang sa P160K ang pinakamataas na buwis na binayaran sa 1×40 container van?
Patay, butas ang bulsa ni Juan dela Cruz; paldo naman ang bulsa ng mga korap.
***
Para sa kaalaman ni Comm. Guerrero, narito ang ilan sa mga mababang binayarang buwis (sa sunod na ang iba) ayon sa consumption entry na ito: Manila International Container Port, all GM, year 2020.
1)P95k, CO1100286,1×40 kitchen stainless steel utensil; 2)P100k, CO1100307, 1×40 shami spray mop; 3)P100k, CO1103298, 1×40 ceiling fan parts and accessories, etc; 4)P100k, CO1103300, 1×40 christmas decoration; 5)P100k, CO1100270, 1×40 fuho plastic tableware; 6)P100k, CO1103303, 1×40 SYKLY BT-027 bicycle; 7)P100k, CO1100272, 1×40 small plastic turn table; 8)P100k, CO1100303, 1×40 WH-A08 scale; 9)P100k, CO1100317, 1×40 FLX gym equipment pull rope; 10)P100k, CO1100283, 1×40 ruby stoneware bowl, etc.; 11)P100k, CO1103308, 1X40 TNC curtain (floral & multi color); 12)P100k, CO1100296, 1×40 Halsa single mirror; 13)P100k, CO1100311, 1×40 TBUTS 10 soup box; 14)P100k, CO1100321, 1×40 Plutus furniture multi purpose; 15)P100k, CO1100299, 1×40 Millefiori multi colors Christmas beads; 16)P101k, CO1103296, 1×40 furniture desk; 17)P101k, CO1100327, 1×40 hand bag; 18)P101k, CO1100264, 1×40 solid brass padlock; 19)P103k, CO1100281, 1×40 medium tote hand bag; 20)P103k, CO1100292, 1×40 plastic wrap, at ang pinakamataas na binayaran sa more or less 50 na kargamento ay P160,261.07, CO1100267, 1×40 argos shelf.
***
Makabubuti, sa aking paniniwala na hingiin ni Comm. Guerrero ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para malaman ang katotohanan ng maanomalyang paglabas ng more or less 50 shipment na ito.
Sino kaya ang importer at ang broker?
At sino ang opisyal na ito raw ng MISTG at ang mga tropang kasabwat sa loob ng Customs?
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email sa bampurisima@yahoo.com.