Advertisers
Makakasiguro na tayo sa pagpasa ng Freedom of Information (FOI) bill at ng Media Workers Welfare bill dahil patuloy na dumarami ang suportang nakukuha ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa Kongreso at Senado.
Nabalita kasi ni PCOO Assistant Secretary Kris Ablan na kanya nang nakaugnayan ang mga opisina ni Senador Christopher “Bong” Go, Joel Villanueva at Bong Revilla at House Majority Leader Rep. Ferdinand Martin Romualdez upang iendorso ang pagpasa sa mga nasabing dalawang panukalang batas.
Ang PCOO naman talaga ang nagtutulak sa mga panukala upang maging malaking oportunidad ang mga ito sa mga mamamahayag at maging daan para sa kanila na magkaroon ng programang pabahay, regular na status o seguridad sa kanilang mga pinagtatrabauhan at kapakinabangang pangkalusugan sa pamamagitan ng Media Workers Welafare bill na pinangungunahan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).
Sa kabilang banda, ang FOI ay magiging daan din upang buksan sa mga mamamahayag maging sa publiko ang lawak ng pamamalakad ng pamahalaan at utusan nito ang mga ahensiya’t opisina na ihayag ang mga impormasyon hinggil halimbawa sa isang proyekto at polisiya na umaani ng interes sa publiko.
Ang dalawang panukalang batas ay naisumite na noong nakaraang taon (2019) ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support o ACT-CIS party-list at sa tulong ng PCOO na kumakalap ng suporta sa mga mambabatas at mga senador ay di malayong maisabatas ang mga ito bago pa magtapos ang termino ng Administrasyong Duterte.
Kaya sa pamamagitan din ng PCOO, ang FOI-Project Management ay naglunsad ng “online” na kampanya para kumalap din ng suporta sa mga mamamayan upang mapabilis ang pagsasabatas nito.
Kasama na rito ang pakikipag-partner sa mga LGUs o local goverment units sa pamamagitan ng mga virtual FOI conference ngayong panahon ng pandemiya upang lumawak ang kaalaman ng mga LGUs sa FOI bill. Mayroon na ngang nakatakda sa August 28 na lalahukan ng mga taga-Visayas region.
Hinihikayat din nila Asec. Ablan ang mga rehistradong librarian na makilahok sa mga “webinar” dahil malaki ang kanilang gagampanang papel sa pag-iimplente ng FOI kung maisabatas ito. Makakakuha pa ang ating mga librarians ng Continuing Professional Development units kung makatapos sila ng mga conferences at mga webinar.
Ikinagalak naman at ipinagmamalaki ni PCOO Secrtetary Martin Andanar ang mga pangyayari at umaasa itong makakapagtulak ng husto ito para maipasa ang mga panukalang batas.