Advertisers

Advertisers

BONG GO: MGA TSUPER, DELIVERY RIDERS BIGYAN NG DISCOUNTS, SUBSIDY

0 411

Advertisers

BUNSOD ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Energy, Department of Agriculture at Department of Transportation na pag-aralan ang pagbibigay ng fuel discounts at subsidiya sa mga pangunahing sektor na naaapektuhan nito.

“Ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa world market ay dumadagdag sa pasanin ng mga Pilipinong patuloy na tinatamaan ng kasalukuyang pandemya,” ayon kay Go.

Dahil dito, umapela ang senador sa mga nasabing ahensya ng gobyerno na agad na pag-aralan ang posibleng pagbibigay ng fuel discounts o subsidiya para sa mga strategic sectors natin.



Tinukoy ni Go na kabilang sa dapat bigyan ng discounts o ayuda ay ang public transport, food deliveries at iba pa.

Naniniwala si Go na ang ibibigay na mga benepisyo ay magiging malaking tulong sa mga Filipino na nahihirapan ngayon sa pinansiyal, dulot ng walang tigil na oil price hike.

“Bukod sa mga karaniwang commuters, makatutulong din ito sa pagkontrol sa posibleng pagtaas sa presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan na nakasalalay sa mga biyahero mula sa mga producers papunta sa mga palengke at consumers,” ani Go.

Habang bumubuti ang pandaigdigang aktibidad sa ekonomiya at muling nagbubukas ang mga bansa, tumataas naman ang mga presyo ng enerhiya mula sa pinakamababang itinakda noong 2020.

Kasunod ng mabilis na paggalaw sa ikatlong quarter, hinuhulaan ng World Bank na mananatiling mataas ang pandaigdigang presyo ng langis hanggang 2022, na nagdaragdag sa inflationary strain sa mga bansang tulad ng Pilipinas na nag-aangkat ng lahat ng suplay ng langis nito.



Ang mga presyo ng enerhiya ay inaasahang mas mataas sa 2021 kaysa noong 2020 at inaasahang mananatili sa ganoong antas hanggang sa unang kalahati ng 2022.

Samantala, nanawagan din si Go sa posibilidad ng pag-amyenda sa kaukulang batas upang payagan ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa gasolina sa mga oras na tumataas ang presyo ng langis sa mundo.

“Pag-aralan din natin ang posibleng pag-amyenda sa kasalukuyang batas upang mapahintulutan ang temporary suspension ng fuel excise tax sa panahong masyadong mataas ang presyo ng langis sa world market,” ani Go.

“Mandato nating nasa gobyerno na pagaanin ang bigat na dinadala ng ating mga kababayan, lalo na ngayong meron pa tayong krisis na pilit malampasan. Huwag na nating dagdagan ang pahirap sa kanila,” dagdag niya.

Sinabi ni Go na kailangang ipagpatuloy ang mga proyektong lalong magpapabuti sa mass transportation system, katulad ng mga dagdag na railways, upang maging mas epektibo, mas mabilis at maginhawa ang pagbibiyahe ng ating mga kababayan.

“Proteksyunan ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Labanan ang hirap at gutom. Ituloy ang mga pagbabagong patungo sa mas maginhawang buhay. No Filipino should be left behind in our quest for total recovery from this pandemic,” anang senador.