Advertisers
NAGLAAN ng P2M si Manila Mayor Isko Moreno pambili ng gasolina para sa ipinagkaloob na libreng cremation sa mga namatay sa COVID-19 na residente ng Maynila sa Manila North Cemetery.
Ayon kay Moreno, limitado lamang ang serbisyo sa mga residente ng Maynila na nasawi sa COVID-19.
Sa ilalim ng rules ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases, ang nasawing pasyente ay dapat na ma-cremate sa loob ng 12 oras pagkatapos nitong mamatay.
Gayunman, sinabi ni Moreno na hindi lahat ay kayang makapag-cremate kaya nagpatupad siya ng libreng cremation.
Nagbanta rin si Moreno na hindi dapat pagkakitaan ng mga tolonges ang libreng cremation.
“Nagpapanting ang tenga ko na patay na, pinagkakakitaan pa,” ayon kay Moreno.
Nakiusap si Moreno na kaagad na ipaalam sa kanya kung sino man ang magtatangkang maningil para sa cremation.
“Pakiusap. ‘Pag kayo siningil sa cremation namin tungkol sa COVID cases, i-report ninyo sa akin kasi, dapat libre ‘yan. Nakikisuyo ako, ‘wag nyo payagan sina ‘Eddie’ at ‘Patty’ na magsamantala sa kalugmukan ninyo dahil mapapariwara ang pagnanais ko na yakapin kayo sa oras ng inyong kalungkutan,” ani pa ni Moreno.
Ayon kay Roselle Castaneda, chief ng Manila North Cemetery, kinakailangan na.magpakita lamang ng death certificate na katibayan na sila ay taga-Maynila at magdala ng sarili nilang urn na paglalagyan ng abo. (ANDI GARCIA)