Advertisers
Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulan na lalo pang palakasin ang kahandaan ng taumbayan sa mga kalamidad, kagaya ng pagtatayo sa mga munisipalidad, lungsod at lalawigan ng “well equipped” na evacuation centers para maprotektahan ang bawat buhay.
Inihayag ito ng senador kasabay ng pamamahagi ng ayuda ng kanyang grupo sa mga biktima ng sunog at bagyo sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.
Sa kanyang video message, nangako si Go na patuloy niyang isusulong ang mga panukala na magpoprotekta sa buhay ng mga Filipino sa panahong may kalamidad disaster.
Kabilang sa panukala ni Go ang Senate Bill No. 1228 na layong makapagtatag ng mandatory evacuation center sa bawat nasasakupan ng local government units.
“Nakita naman natin ang matinding pangangailangan para sa mga istrukturang ito na magsisilbing panandaliang tahanan ng mga Pilipino sa tuwing may bagyo o anumang natural disaster. Huwag nating antayin na may panibagong sakuna pang dumating. Umaksyon na tayo dapat para maprotektahan lalo ang buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.
Ang grupo ng mambabatas ay namahagi ng meals, vitamins, masks, at face shields at iba pang klase ng tulong sa may 129 indibidwal sa Office of the Senior Citizens Affairs Building sa Barangay 40.
Bilang chairman ng Senate Committee on Health, ipinaalala ni Go sa bawat isa na iprayoridad ang kanilang kalusugan kasabay ng paghimok sa mga nangangailangan ng medical care na lumapit sa gobyerno.
Sinabi ni Go sa mga residente na lumapit lamang sa kanyang tanggapan at nakahanda siyang tumulong maging sa Malasakit Center sa J.R. Borja General Hospital o sa Northern Mindanao Medical Center sa lungsod.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 143 Malasakit Centers sa iba’t ibang ospital sa bansa at mahigit na sa 3 milyong Filipinong pasyente ang natulungan na nito.