Advertisers
MILYON milyon ang kinikita ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) kapag panahon ng eleksiyon dahil sa kanilang “permit to campaign” at “permit to win” na sistema ng pangingil.
Sa mga intelligence reports na nakalap ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) lumalabas na milyong piso ang nakokolekta CPP-NPA-NDF sa mga politikong nais mangampanya sa mga lugar na hawak ng mga komunistang-terorista para manalo sa halalan.
Ayon kay NICA Deputy Director General Abelardo Villacorta, na panauhin sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), para makapangampanya “dalawa hanggang apat (P2-P4) milyong piso” ang kailangang ibayad ng mga kumakandidato sa pagka-gobernador at kongresista.
“Isang milyon hanggang 2 milyon naman para sa mga tumatakbong bise-gobernador. At ang sa mga mayor ay kalahating milyon (P500,000) hanggang P1 milyon samantalang P500,000 hanggang P800,000 naman ang sa mga konsehal.’
Animnapung (60) porsiyento sa nakukulimbat ng CPP-NPA-NDF ayon sa opisyal ng NICA ay kinukuha ng CPP national organization at ang natitirang 40 porsiyento ay ginagamit na sa operasyon ng NPA.
Isiniwalat din ni Villacorta na sa ibang pagkakataon gamit ng mga CPP-NPA-NDF ang mga “barangay officials” bilang kanilang mga negosyador sa kanilang pangingikil.
Dagdag pa ni Villacorta, plano rin ng mga komunistang-terorista na sumuporta ng kandidato sa pagka-presidente ng bansa, dahil may nakalap rin silang impormasyon na nakikipag-ugnayan na ang mga ito sa ibang mga kandidato upang maging kaalyado nila.
Ang dati namang CPP-NPA Cadre at taga-pagsalita ng NDF-FSR na si Noel “Ka Efren” Legaspi ay kinumpirma ang mga intelligence reports ng NICA at base sa kanyang karanasan mayroong “rata” ang lahat o presyong ipinapatupad ang kanilang grupo, base sa sa psosiyon at kakayahan ng kandidato.
Sinabi ni Legaspi na noon kanyang panahon ang presyo para sa mga congressman at governor ay P1.5 milyon hanggang P3 milyon lang. ”
“Ang vice governor medyo mababa. Depende naman sa status ng siyudad ang sa mga mayors, P1 hanggang P2 milyon. Ang councilors P20,000-P100,000,” ang pahayag ni Legaspi.
Maari naman daw makipagtawaran upang maibaba ang rata.
“Pwedeng manegotiate. Hihingi na lang ang komunistang-terorista ng iba’t ibang logistics, gaya ng mga baril, bota, uniforms, generators, projectors at electronic gadgets,”paliwanag ni Legaspi.
Kanya rin isiniwalat na naglalagay ng mismong kandidato ang CPP-NPA-NDF na nagpapanggap na mga taga-pagtanggol ng mga naapi gaya ng mga miyembro ng Makabayan Bloc ngayon sa Kongreso na binigyan daan ng Partylist System sa bansa.
“Lahat ng nominees doon ay cadre,” ang sabi ni Legaspi.
Para naman kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, kailangan bantayan ang mga politikong lalapit sa mga CPP-NPA-NDF at binalaan ang mga ito na sila ay maaring madiskwalipika sakaling mapatunayang tumutulong sa mga komunistang-terorista na maari pa nilang ikakulong.