Advertisers
SINEGURO ni Dr. Alejandro Pineda, tagapangasiwa ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHI-NADO), na natutugunan at nasusunod ng organisasyon, sa komrehensibong pakikipagtulungan ng pamahalaan ang lahat ng pamantayan para matiyak na napapatupad ang Anti-Doping Code ng World Anti-Doping Agency (WADA).
Aminado si Pineda na mahigpit ang WADA sa pagpapatupad ng Anti-Doping Code sa lahat ng bansang kasapi dahil sa maselang aspeto na direktang makakaapekto sa mga atleta at sa ognanisasyon na kinasasapian nito.
“We are working hard to make PHI-NADO compliant with the Anti-Doping Code” pahayag ni Pineda, kinatawan din ng bansa sa Southeast Asian Region Anti-Doping Organization (SEA-RADO).
Iginiit ni Pineda na patuloy ang isinasagawang seminars, webinars at iba pang pamamaraan, sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC) para maipabatid sa atleta, coaches, officials at iba pang stakeholders ang pangangailangan na maging edukado sa mga panuntunan ng WADA at maging responsable para palawakin ang kaalaman sa mga uri at aspeto ng mga gamot na mahigpit na ipinagbabawal sa international competition.
“In 2019 nag-host tayo sa SEA-RADO para sa training and seminars regarding sa mga makabagong teknolohiya para mas mapataas ang ating kaalaaman sa anti-doping at mapatupad ang pagtalima sa Anti-Doping Code,” sambit ni Pineda.
Pinangunahan ni SEARADO Director General Gobinathan Nair ang Anti-Doping seminar at training sa bansa alinsunod na rin sa paghahanda para sa hosting ng 30th SEA Games na napagtagumpayan ng bansa sa nakamit na overall championship.
“Education is the key. Tuloy-tuloy tayo sa ating outreached program para mapaabot natin ang Anti-Doping Code sa ating mga atleta, estudyante, mga guro at sa lahat na nagsasagawa ng orgasisasyon sa mga liga,” pahayag ni Pineda.
Malaking isyu sa kasalukuyan ang Anti-Doping Code matapos suspindihin at patawan ng ‘non-complaint’ ng WADA ang bansang North Korea,gayundin ang kapit-bahay nating Thailand at Indonesia. Ang kawalan ng epektibong testing program at kabiguan na maipatupad ang Anti-Doping Code ang dahilan nang pagpapataw ng suspension sa tatlong bansa.
Bilang kaparusahan, pinagbabawal ang tatlong bansa na makapag-host sa anumang regional, continental o world championships competition hanggang suspindido pa sa WADA. Inalisan din ng kaparatan ang kinatawan ng tatlong bansa na maupo nilang miyembro ng anumang committee ng WADA.
Pinapayagan namang makalahok sa kompetisyon ang mga atleta ng naturang bansa, subalit hindi kabilang sa itataas ang kanilang bandila, maliban na lamang sa Olympic Games.
Ang WADA ang nagpapatupad ng World Anti-Doping Code na ginagamit na patnubay ng mahigit 650 sports organizations, kabilang ang international sports federations, national anti-doping organizations, the IOC, at International Paralympic Committee.
“WADA’s duty is to monitor anti-doping activities worldwide to ensure proper implementation of and compliance with the World Anti-Doping Code (Code), the document harmonizing anti-doping rules in all sports and all countries, by International Sports Federations (IFs) and National Anti-Doping Organizations (NADOs),” ayon sa WADA FB page.
Iginiit ni Pineda na makakaasa ang sambayanan na maiaangat nila ang kalilad ng edukasyon sa isyu ng doping at maitaguyod ang ‘Doping-free Philippine Sports’.(Danny Simon)