Advertisers
PATAY ang tatlong magkakapatid na mga bata, kabilang ang isang 4 buwan gulang, nang malason sa inulam na isda na luto ng kanilang ina sa Maguindanao.
Kinilala ang mga namatay na sina Sammer Mataya, 12; Fahad, 10; at Turon, 4 buwan.
Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang anim pang miyembro ng pamilya na residente ng Barangay Karim, Buldon, Maguindanao.
Sa report, naganap ang insidente nitong Martes.
Ayon sa ulat, bumili ng isdang “tayang” ang ina ng mga bata sa pamilihang bayan at niluto para sa kanilang hapunan.
Pagkatapos maghapunan ng pamilya, bigla na lamang nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang mga biktima.
Agad na isinugod sa Parang Maguindanao District Hospital ang 9 miyembro ng pamilya, pero kalaunan ay nalagutan ng hininga ang tatlong bata.
Inilipat naman sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ang anim na patuloy na inoobserbahan.
Ayon kay Buldon Municipal Office (MHO) Officer Dr. Elly Eluna, posibleng sa isdang tayang o kaya sa tubig na ininom ng mga biktima nakuha ang “severe diarrhea” ng mga biktima.(Ace Ramales)