PAMAMASLANG SA BATANGAS VARSITARIAN VICE PRESIDENT, MALALIM, WAR ON DRUG, PAIHI, ILLEGAL QUARRY, HINILING NA PAIGTINGIN!
Advertisers
PINAG-AARALAN pa ng pulisya kung sino sa mga posibleng “nasagasaan” ni Batangas Varsitarian (BV 1932) Vice President, Reymar Cantos Caballlero ang nasa likod ng pagkakapatay sa naturang biktima na kilala rin anti-crime barangay Councilor sa Batangas City.
Pitong bala ng .45 at iba pang uri punglo ang kumitil sa buhay ni Caballero, na Bise Presidente ng BV 1932, Batangas City Council. Si Caballero na kilala sa palayaw na Konsehal Jao sa kanyang mga kabarangay at sa libu-libong opisyales at miembro ng pinakamalaking Fraternity o Kapatiran, ang Batangas Varsitarian (BV) 1932 na nakabase sa lalawigan ng Batangas ay idineklarang dead on arrival sa Golden Gate Hospital sa Batangas City Proper.
Tinangay ng tatlong hitman ang 9mm Taurus pistol ng biktima matapos na tiyaking wala na itong buhay sa basketball court na nasa tabi lamang ng bahay ng biktima.
Ayon sa pulisya dakong maghahatinggabi nito lamang August 24, nangyari ang pamamaslang kaya patuloy pa ang pagsisiyasat kung sino sa mga person of interest ang may higit na malalim na motibo na paslangin ang biktima.
Kinumpirma naman ni Batangas City Police Chief, LtCol. Julius C. Anonuevo na talagang malalim ang ugat ng naturang kaso kaya masusing pinag-aaralan ng kanyang mga imbestigador kung sino sa mga lumulutang na pangalang suspek ang responsable sa pagpatay kay Caballlero.
Noon lamang August 19 ng hapon naging bisita natin si Konsehal Jao at naisiwalat nito ang kanyang kutob na ipalilikida siya ng mga kriminal na nais siyang paghigantihan. Ang mga suspek ay kabilang sa big-time drug pusher sa kanilang barangay at maging mga elementong kriminal sa buong Syudad ng Batangas.
Sa pakiwari ng inyong lingkod ay damang-dama ni Konsehal Jao ang panganib ng banta sa kanyang buhay. Payo naman natin noon kay Konsehal, ay ibayong pag-iingat at makipag-ugnayan ito sa mapagkakatiwalaang alagad ng batas.
Bilang top councilor ng kanilang lokalidad, si Konsehal Jao din ang Chairman ng Committee on Peace in Order sa Brgy. Wawa, kaya napakarami na nitong “nasagasaan” tulad ng mga nadakip na salot na drug pusher sa kanilang lugar na pawang nagbabanta na siya ay papatayin o ipapapatay.
Kinilala mismo ni Konsehal Jao sa inyong lingkod ang 12 sa 15 kataong drug pusher na matagal nang pinoproblema sa kanilang barangay. Ang mga ito ay sina Oniot, Cholen alias Gabay, Warmer alias Igat, Joselyn alias Takwe, Raymond alias Arong, Marcelo alias Bambam, Lerivic alias Vic, Junjun alias Unjun, Arref, Rodolfo alias Ata, Gloria alias Gulo at isang Amed.
Ayon pa kay Konsehal Jao ang nasabing mga illegal drug financier ay pawang masidhi ang paghahangad na siya ay ipalikida, sa katunayan ay naglaan na pala ang naturang lider ng sindikato ng kani-kanilang share na salapi para ipatumba si Konsehal.
Ilan pang pangalan ang binanggit ni Konsehal na may galit sa kanya kabilang na dito ang isang alias Dennis na nag-ooperate ng bentahan ng nakaw o pinaihi na petroleum product mula sa mga barkong naka-ankorahe at nasa daungan ng Batangas City Bay.
Si alias Dennis ay hepe ng barangay tanod sa kanugnog nilang barangay at may tatlong outlet ng bentahan ng nakaw na krudo, gasolina at iba pang produktong petrolyo na ibinebenta naman ng bote-bote at per galon sa Sitio Itlogan, Sitio Bilibid at ang pangatlo ay malapit lamang sa Lyceum International Maritime Academy (LIMA), pawang sakop ng Brgy. Cuta sa nabanggit ding lungsod.
Lahat na petroleum product outlet ni Dennis ay walang local license to operate at wala ring Energy Regulatory Board (ERB) Permit at iba pang kaukulang permiso at ang mga produktong petrolyo ay nakaimbak lamang sa makeshift gasoline station ni alias Dennis.
Talagang panganib ito sa publiko ngunit di naman inaaksyunan ng kanilang barangay chairman na hinihinalang kasosyo pa ni alias Dennis.
Malimit na binabalaan ni Konsehal Jao si alias Dennis sa peligrong maaring idulot ng kanyang iligal na pinagkikitaan at pinapayuhan pang ihinto na nito ang bawal na gawain sa tuwing nadaraanan nito si alias Dennis sa kanilang mga pwesto.
Liban pa sa mga nabanggit na ilegalista, kabilang din sa may malaking galit kay Konsehal Jao ang isang pulis at isang konsehal na pinaniwalaang protektor ng illegal quarry operation sa nasabi ring Syudad.
Halos may isang buwan pa lamang ang nakararaan, inaresto ng tauhan ni Konsehal Jao ang apat na kalalakihan bandang madaling-araw sa Brgy. Wawa habang nasa akto ng ilegal na pagko-quarry ng black sand sa Calumpang River, sakop ng nasabing barangay.
Liban sa pagkadakip sa apat na suspek ay kinumpiska rin ng mga tanod ni Konsehal ang dalawang bangka ng mga ilegalista na pinagkakargahan ng hinuhukay na black sand.
Ang mga suspek at ebidensya ay isasalin dapat nina Konsehal Jao kinaumagahan din sa Batangas City Police, ngunit habang natutulog si konsehal ay dumating sa kanilang barangay hall ang pulis na protektor ng mga iligalista. Nagpakilala itong isang aktibong myembro ng Batangas PNP.
Sapilitang kinuha nito ang kanyang mga alipores na tagahukay ng black sand pati na ang dalawang bangka sa kustodya ng barangay. Kaya naman nagsumbong sa inyong lingkod si Konsehal Jao. Ipinarating naman natin sa mga kinauukulan ang pangyayari, kaya naman ipinabalik ng nasabing pulis ang ebidensyang bangka, ngunit itinago na nito ang kanyang mga tauhan.
Binanggit din ng nasabing konsehal sa SIKRETA ang ilang ilegalistang sangkot sa malawakang petroleum product pilferage sa Batangas City Bay na kilala ring buriki at paihi na interesado ring magpalikida sa kanya.
Ang sindikato ay may imbakan ng ninanakaw na produktong petrolyo sa dalawang barges na naka-angkla sa tapat ng dating Caltex Refinery depot sa Brgy. Sta. Rita Aplaya at Danglayan ng nabanggit ding lungsod.
Ibinahagi na natin ang modus operandi ng sindikato ng buriki kay LtCol. Anonuevo, kaya inaasahan nating agad na malalansag ito ni Anonuevo at ng kanyang mga tauhan.
Importanteng malipol ni LtCol. Anonuevo ang naturang sindikato upang mawalan ng kapasidad ang mga ito na magbayad ng hitman sa pagpapalikida ng mga taong inaakala ng mga itong balakid sa kanilang labag sa batas na gawain. Hindi tayo kailanman matatakot na ilantad ang mga kabalbalan ng alinmang sindikato para sa interes ng ating mga mamamayan, lahat naman tayo ay hiram lamang ang angking buhay.
Kinondena naman ng may humigit-kumulang sa 12,000 opisyales at miembro ng Batangas Varsitarian (BV) 1932 at ng alyansa ng mga itong fraternities sa probinsya ng Batangas ang pagpatay kay Konsehal Jao.
Kaakibat sa pagtuligsa sa pagpaslang kay Konsehal Jao, ay hiniling ng BV na supilin na ng pulisya ang talamak na operasyon ng bentahan ng droga sa Brgy. Wawa, petroleum pilferage ng isang Brgy. Tanod Chief alias Dennis sa Brgy. Cuta, at ang mga tulad nitong iligal sa Brgy. Sta Rita Aplaya at Danglayan, pati na ang illegal quarry operation sa Calumpang River na pinapatungan ng person of interest na pulis at isang city councilor, pawang sakop ng nabanggit na lungsod.
Kaya bago pa man makagawa ng panibagong kawalanghiyaan ang grupo ng mga nasabing kriminal, please lang Colonel, lipulin na nyong lahat ang mga nasabing sindikato.
Malaki ang tiwala natin sa kakayahan ng magiting na Batangas City Police Chief na isa sa pinagkakatiwalaang hepe ng kapulisan ni PNP Region 4-A Director, BG Vicente Danao Jr. at mga tauhan nito!
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com