Advertisers
UPANG mapagaan ang damdamin ng mga pamilyang namatayan dahil sa COVID-19 ay inanunsyo ni Manila Mayor Isko na ang pamahalaang lokal ay magkakaloob ng libreng cremation sa lahat ng residente ng Maynila na namatay dahil sa coronavirus.
Ayon kay Moreno, gagawin ang libreng cremation sa Manila North Cemetery (MNC) at maaring pakinabangan ng sinumang yumao sa coronavirus na tubong Maynila.
Inalok ng alkalde ang libreng cremation makaraang mapuna nito na alinsunod sa rules ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases, ang bangkay ng mga namatay sa COVID-19 ay dapat na ma-cremate sa loob ng 12-oras.
Nakarating pa sa kaalaman ni Moreno na may mga pribadong kumpanya at mga punerarya na city government na naniningil ng mula P60,000 – P100,000 para sa cremation services na sobrang mahal at hindi kakayanin ng mahihirap na pamilya.
“Napakasakit naman na namatayan ka na, ni hindi mo mapa-cremate ang mahal mo sa buhay dahil wala kang pambayad sa cremation. Kaya sa pamamagitan ng libreng cremation, sana ay maibsan namin kahit papaano ang hirap na pinagdaraanan ng mga naiwan ng isang yumao dahil sa COVID-19,” ayon kay Moreno.
Sinabi ng alkalde na kailangan lang pamilya ng namatay sa COVID-19 na magdala ng death certificate at sariling urna kung saan ilalagay ang abo matapos na ito ay ma-cremate.
Kailangan ding ipakita ng gustong magpa-cremate ng IDs o documents na siya ay kaanak ng nasawi kasama ng death certificate. (Andi Garcia)