Advertisers
SA wakas… tinablan din ng ‘delicadeza’ si PhilHealth President Ricardo Morales. Lalayas na raw siya sa state insurer. Yahoo!!!
Ito’y matapos ianunsyo ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sinabi sa kanya ni Pangulong Rody Duterte nitong Martes na pagbitiwin na si Morales sa posisyon.
Mahinahon ang pagpapalayas ni Duterte kay Morales. Pinabababa niya ito dahil daw sa karamdaman nito, hindi binanggit ang katiwalian.
May “cancer” kasi si Morales. Nag-file nga ito ng leave matapos ang unang araw ng Senate inquiry tungkol sa “pandemya ng korapsyon” sa PhilHealth. Magpapa-chemo raw kasi siya.
Ang resignation ni Morales ay ibibigay niya sa kanyang immediate “boss”, si Health Sec. Francisco Duque.
Tatanggapin daw ito ni Duque.
Op kors tuwang tuwa tayong PhilHealth members sa naging hakbang ni Duterte at nang pag-alis ni Morales sa ahensiya. Pero mas papalakpak tayo ng malakas na malakas kung si Duque mismo ang sipain ni Duterte sa DoH.
Aba’y hindi lalaganap ang korapsyon sa PhilHealth ng walang alam ang pinaka-boss. Buti kung libo-libo o milyon lang ang pinag-uusapang pera rito. BILYON BILYON po ang nakulimbat sa kaban ng mamamayan. Dalawang dekada na si Duque sa PhilHealth, mula pa sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Kaya hindi kapani-paniwala na inosente si Duque rito. “Tell it to the Marines”, sabi nga.
Kaya dapat tigilan na ni Pangulong Duterte ang pag-aanunsyo na “Duque has my trust” dahil kahit mga DDS ay hindi na maniniwala rito.
Sabi nga ni Senador Franklin Drilon, “malaking bagahe na si Duque kay Pangulong Duterte”. Mismo!
Hindi lang naman si Drilon ang diskuntento kay Duque sa DoH kundi ang higit sa kalahati ng mga Senador ay pinagbibitiw na siya sa DoH.
Maging ang grupo ng mga duktor ay nanawagan na kay Pangulong Duterte na sipain na si Duque. Dahil napaka-incompetent daw nito as Health Secretary. Ito raw ang dahilan ng paglaganap ng Covid-19.
Ano kaya ang napakain ni Duque kay Duterte at hindi siya mabitaw-bitawan nito? Hawak ba niya ang “susi ng Guadalupe” ika nga?
Pero kung ako kay Duque, hindi ko na hihintayin pang tadyakan ni Duterte, mag-resign narin ako tulad ng ginawa ni Morales.
Ang pagbibitiw ay hindi kahihiyan, ito’y act of heroism para isalba sa tuluyang pagkasira ang ahensiya na natadtad ng korapsyon.
Yes! Pinaka da best example ang mga opisyal ng gobierno ng bansang Hapon at Amerikano. Once naakusahan sila ng katiwalian, ora mismo RESIGN!
Do it too, Mr. Duque…
***
Inanunsyo ni Pangulong Duterte na sinabihan daw siya ng kanyang duktor na malapit nang mag-stage 1 cancer ang kanyang sakit sa lalamunin dahil sa paglalaklak ng alak.
Sabi naman ng kanyang spokesman na si Harry Roque, walang dapat ipag-alala dahil ikinukuwento lamang ng Pangulo ang kanyang dapat naging sakit noon. Matagal na raw ito, at matagal nang tumigil sa pagtagay si Duterte.
Hmmm… kung totoo man ang sinasabi ni Pangulong Duterte na may senyales na papasok sa stage 1 cancer ang sakit nya sa lalamunan, matagal pa siya mabubuhay. Taon pa. Bumibilang ng maraming buwan hanggang taon ang cancer lalo kung ma-chemo, sabi ng friend kong Dok!