Advertisers

Advertisers

Stop It!

0 304

Advertisers

Mas maganda sana kung sa halip na pag-iwas o blanket denial ay malutong na “Stop It!” ang iniutos ni Pangulong Duterte sa kanyang mga supporter na pasimuno ng kampanyang revolutionary government o revgov. Nagmukha tuloy basang sisiw o naitakwil na pasaway ang mga tapat na ‘rebolusyonaryo’ ng kanyang administrasyon.

Sa pahayag ng Pangulo nitong nakaraang Lunes ay tahasan nitong sinabi na wala siyang kinalaman sa revgov. “Wala akong pakialam diyan, wala akong kilala sa mga tao na ‘yan at hindi ko ‘yan trabaho,” deklarasyon ni Duterte sa harap ng telebisyon.

Linawin nga natin ito. Ang revgov ay ideya mismo ni Duterte, hindi ng mga taong hindi niya kilala. Sa katunayan, sa kanya lang napulot ng mga hindi kilalang tao na ito ang ideya ng revgov.



Bakit ka nyo? Una. Hindi rebolusyonaryo ang hindi kilalang mga tao na ito kaya’t malabo na sa kanilang utak magmula ang konsepto ng revgov. Kaya nga nang tanungin ng midya tungkol sa revgov, people’s initiative (chacha) daw pala ito para palitan ang kasalukuyang konstitusyon, lusawin ang gubyerno, itayo ang revolutionary government, at muling iluklok si Duterte bilang bagong Pangulo. Ikalawa. Wala namang nangyayaring rebolusyon kaya’t ang ideya mismong ito ay abstrakto kundi man ridikuluso mismong sa hanay nila at lalo na sa mata ng maraming tao.

Hamakin nyo ba naman, ang gubyernong gusto nilang ipalit sa anila ay mabagal na gubyerno ngayon ay ang gubyerno rin na gusto nilang palitan. Duterte out, Duterte in, ang ibig sabihin.

Linawin pa natin ng husto. Galing mismo kay Duterte ang ideya ng revgov. Iyon nga lang, dahil paiba-iba rin ang kanyang basehan para dito, paiba-iba rin tuloy ang interpretasyon ng kanyang mga supporter tungkol dito, bagama’t klaro sa kanilang lahat na pagtatatag ng diktadura ang ultimong pakay nito.

Sa pahayag ng Partido Manggagawa (PM) noong Nobyembre 2017 ay inihanay nito ang paulit-ulit na banta ng Pangulo sa balak na revgov batay sa pabagu-bagong dahilan.

Ayon sa PM, hindi pa nagdedeklarang tatakbo bilang Pangulo ay inilahad na ni Duterte ang kanyang kahandaan na magtayo ng revgov. Ang kanyang mayor na dahilan noon ay para sa pederalismo. Sa pakikipagpulong sa mga editor ng Inquirer noong Agusto 27, 2015, harapan niyang sinabi na revgov “is the only way to fast-track federalism.” Dagdag pa na dahilan: “I have to stop criminality and corruption. I have to fix this government. I won’t do if you want to place me there with the solemn pledge to stick to the rules.”



Noon namang panahon ng kampanya ay paulit-ulit nyang binabanggit na bubuwagin niya ang Kongreso.“I will give myself six months to one year to do the reforms I want to do. If the system becomes obstructionist and inutile, I will declare a revolutionary government.”

At nang maging Pangulo na siya at maharap sa mga kritisismo, iba naman ang kanyang naging dahilan para sa revgov. “If I see that my nation tilts into chaos and is really destabilized, I will declare a revolutionary government.”

Ang tinutukoy naman niya dito ay ang destabilisasyon umano na inilulunsad ng sabwatang dilaw, pula at CIA, bagay na pinabulaanan mismo ng AFP at ng kanyang defense secretary.

Ang pinakahuli ay nang ituring niya ang call for time out ng mga medical frontliner bilang ‘rebolusyon’ kung kaya’t pinagbantaan niya ang mga ito ng isang ‘counter-revolution.’ Bagama’t hindi revgov ang nabanggit niya dito, madali na itong basahin mula sa lohika ng mga nauna niyang pahayag. Ang mas malabo ngayon ay sa ano naman kayang dahilan ibabatay ang planong revgov. Dahil may pandemya? Dahil maraming pasaway? O habang nakakalakad pa ang appointed supremo ng revgov.

Ayon pa sa PM, kung susuriing mabuti ang mga pahayag na ito ni Duterte at galaw ng kanyang mga supporter ay makikita ang malinaw na linya na nag-uugnay sa lahat ng kanyang ideya sa isang lohika ng nais niyang paraan ng pamamahala – isang diktadura sa pamamagitan ng martial law o revgov.

Walang dudang tutol ang manggagawa sa diktadura sa anumang anyo. Maliban na lamang kung ang itatatag ay diktadura ng totoong mayorya – ng uring manggagagawa – laban sa tiranya ng minoryang mayayaman na siyang totoong ugat ang kahirapan at inekwalidad sa bansa.

Hindi kailangan ng diktadura ni Duterte para itigil ang endo at itaas ang sweldo ng manggagawa. Hindi rin diktadura nila-nila ang panapat sa problema ng dinastiya na ilang dekada nang naghahari sa bansa. Ang kailangan ng manggagawa ay mas malawak at mas malalim na demokrasya para depensahan ang sarili laban sa lahat ng uri ng pang-aapi, ngayon at magpakailanman.