Advertisers
MASYADONG abala si Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa kanyang gawain, tungkulin at obligasyon bilang ikatlong pinuno ng Philippine National Police (PNP) at sa pagiging commander ng Joint Task Force COVID Shield.
Sa pagtitiyak na mapatutupad ang mga direktiba nina PNP chief, General Archie Francisco Gamboa at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ginagawa ni Eleazar upang maging ligtas ang mamamayan kahit batikusin pa siya ng iba’t ibang sektor.
Dahil abala si General Eleazar, hindi ako makakuha ng impormasyon ukol sa plano ni Duterte sa susunod na chief PNP.
Hindi ko alam kung anu-anong hakbang ang ginagawa ni Eleazar upang italaga na siya sa pinakamaraming trabaho, pinakamataas ang tungkulin at obligasyon ng isang heneral sa PNP.
Hindi ko man maitanong sa kanya, sigurado akong wala ang sagot niya dahil wala namang koneksyon ito sa Malakanyang.
Hindi katulad ng mga heneral na nagtapos noong 1986 sa Philippine Military Academy (PMA) ay malapit lahat kay Duterte.
Ronald dela Rosa, Oscar Albayalde, Gamboa at ang natitira na si Lt. Gen. Camilo Prancatius Cascolan na siyang kasunod ni Gamboa sa pinakamakapangyarihang opisyal ng PNP.
Pero, kahit PNP deputy chief for administration si Cascolan ay siya na ang susunod na hepe ng pambansang pulisya.
Sa Setyembre 2 na ang huling araw ni Gamboa sa PNP kung hindi paabutin ni Duterte ang kanyang termino hanggang Nobyembre, dahilan upang hindi na maging chief PNP si Cascolan.
Kung ganyan ang sinaryo, si Eleazar ang chief PNP pagkatapos ni Gamboa.
Pero, sabi ni Pang-Masa Columnist Non Alquitran, susunod na uupong chief PNP si Cascolan kahit magreretiro na ito sa Nobyembre.
Katunayan, kapag nakapuwesto ito ay tatagal ito hanggang Mayo sa susunod na taon, banggit ni Alquitran.
Ang problema, ang source of information niya ay si Vic Endriga.
Kung si Endriga ang source ni Alquitran, mahigit isang ulit akong magdarasal upang magkatotoo ito.
Dati kasi ay mayroong sinabi si Endriga na tatanggalin ni Duterte sa pagiging hepe ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) si Secretary Martin Andanar.
Si dating broadcaster Jay Sonza raw ang papalit.
Idiniin pa noon ni Endriga habang kausap niya ang isang opisyal ng pamahalaan na totoo ang sinasabi niya – katunayan daw ay naghahanda na sila ni Sonza na pumasok sa PCOO.
Pokaragat na ‘yan!
Agosto 27, 2020 na ngayon, pero kalihim pa rin ng PCOO si Andanar.
Ang alam ko na alam din ni Alquitran ay hinaharang ni Speaker Alan Peter Cayetano ang ‘ambisyon’ ni Cascolan na maging chief PNP ang mamang ito dahil markadung-markado kay Cayetano ang mga kapalpakan ni Cascolan bilang hepe ng pulisya ng Taguig ilang taon na ang nakalilipas.
May kinalaman yata ito sa iligal na droga.
Balita rin sa Camp Rafael Crame ang masamang rekord ni Cascolan.