Advertisers
NADISMAYA si Senador Grace Poe, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, sa hindi pagdalo ng matataas na opisyal ng mga ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pananalapi sa ipinatawag na pagdinig ng kanyang komite kaugnay sa isinusulong na Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) bill.
Layunin ng komite na himayin sa pagdinig ang nasabing panukalang batas na naglalayong matulungan ang mga bangko na mapakinabagan ang kanilang mga “non-performing assets” dahil sa resesyong hatid ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa mga bangko, gusto ring matulungan ng panukala ang mga negosyo at iba pang mga konsyumer na nangangailangan ng pananalapi upang muling maibangon ang kanilang mga kabuhayang inilugmok ng pandemya.
“Gusto ko lang ipaalaala na noong dinidinig ang Bayanihan 2 mariing isinulong ng Department of Finance ang mga probisyon ukol sa FIST. Sa katunayan, maging ang acting secretary ng NEDA ay puspusang itinulak na mapasama ito sa Bayanihan 2,” paliwanag ni Poe.
“Kaya mas magiging makabuluhan siguro ang pagdinig na ito, kung maibibigay ng mga ito ang kinakailangang respeto at makilahok sa aming pagdinig dahil sila naman ang unang nakaisip at nagsulong nito,” diin pa ng senadora.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Poe ang mga dumalong resource person na sabihin sa kanilang mga opisyal na dumalo sa mga susunod na pagdinig.
Partikular na tinukoy ni Poe ang matataas na opisyal ng Department of Finance, Securities and Exchange Commission, Bureau of Internal Revenue at iba pang ahensiya na dapat ay dumalo sa pagdinig.
“Sila ang nagsasabi na kailangan ng ating ekonomiya ang panukalang batas na ito. Kaya paano natin masasabi na kailangan ito ng ekonomiya kung hindi sila dadalo sa mga pagdinig at hindi magpapakita ng pagpupursige na maipasa ito,” giit pa ni Poe. (Mylene Alfonso)