Advertisers
Maraming pagkakataon, ninanais nating mapag-isa upang sa ating pagninilay, makita natin ang ganda ng buhay. Binabalikan natin ang mga masasayang pangyayaring pinupulutan natin ng aral. Sa mga sandaling ito, inilalarawan natin sa ating isip kung ano ang magiging ako, ikaw, tayo at ang iba sa hinaharap. Upang sa pagbalik sa kasalukuyan, maididibuho natin ang naisip kung maari o hindi ang inilarawan natin.
Malamang, itong mga magagandang inilalarawan natin ay ang lahat ng nakatawa, nakangiti at maligaya. Sa ating pagkawala’y sa mga kasama o maging sa mga taong kakikilala pa lamang natin, ang ating pagkawala ay tunay na malaking usapin sa kanila.
Ang kaisipang ito’y tumutulay sa sino mang tao na pamilyar tayo, maging ito’y napapanood o nakikita lamang natin sa pang-araw-araw nating pagganap. Sa dinami-dami ng taong biglang mawalay sa aming nakikita, ikaw Totoy Kulambo, ang hindi nila hanapin? Malaki ang papel mo sa kanilang mga buhay dahil bitbit mo ang kaligayahan, kalungkutan, kabuhayan at kung ano pang kaganapan pambansa.
At sa pagkawalay mo, huwag mong ipagdamot sa kanila kung ano talaga ang rason o ang iyong mga ginawa noong mga araw na hindi ka nila nasilayan. Ang iyong pagkawala’y nagdulot ng espekulasyon at labis na pagtataka kung ano ang nangyari sa iyo. Ito’y madaling mapapabulaanan kung mismong ikaw ang haharap at magsasabi kung ano ang mga nangyari at ang iyong mga pinagdaanan.
Ang pagkakakilala namin sa iyo, ikaw ay lalaking matapang at may paninindigan. Ang pagharap mo sa amin nang walang pag-aalinlangan ang aming inaasahan.
Sa paghahanap namin sa iyo, sana’y matugunan mo nang maayos at may kakisigan. Huwag nating ipagdamot sa mamamayang Filipino na si Totoy Kulambo’y alive and kicking at walang itinatago o iniinda. Nag-iingat ka, oo, pero hindi ito dahilan upang mawala nang mahabang panahon na may kung ano-anong lumalabas na utos o galaw ng kung sino-sino na ‘di alam kung ano ang nais o layunin?
Gusto ba nitong alisin ang kasalukuyang pamahalaan at palitan ang uri ng pamahalaan mula sa demokratiko patungo sa rebolusyonaryo? At kapag naitayo na ang RevGov, si Totoy Kulambo ang siyang mamumuno? Ano ba ito? Nasaan ka na?
Hindi maiaalis sa amin ang paghahanap sa iyo o sa isang tao o bagay na aming nakasanayan dingin o panuorin dahil naging bahagi na ito ng aming sistema. Ngunit kung ramdam mo na sa sarili na dapat nang bumitiw, hinihingi naming ilagay mo ito sa tamang perspektibo na ayon sa Saligang Batas na iyong sinumpaang itataguyod at susundin.
Wala kaming ibang susundin kundi ang Saligang Batas na umiiral sa bansa. Ano mang uri ng pamahalaan na ‘di kumikilala ’ at di alinsunod dito, tiyak na walang basbas ito ng mamamayan at hindi kailan man kikilalanin o magtatagal.
Sa muling pagpapakita at pagtatwa mo na wala kang alam sa RevGov na umano’y itinutulak ng mga taong ‘di mo kilala’, kahit paano’y nalinawan ang bayan. Subalit sa kalagayan ng iyong kalusugan na aming namasdan, parang nais mo na ring lisanin ang trabaho na nagpapahirap sa iyo.
Tanggap namin ito at payag kami na ang bise-presidente ang iyong pasahan nito. Ang pangarap mong maging isang dakila’y maaring maging katotohanan. Sa katunayan, ang paghahanap namin sa nawawalang pinuno’y pinunuan na ni VP Leni sa kanyang pahayag kamakailan. Malinaw ang mga tahakin kung paano palalakarin ang bansa sakaling humalili na ito.
Nagalak ang pangkaraniwang tao, kasama ang mga obrero, at pati na rin ang mga walang kibong negosyante dahil sa malinaw na paglalahad ni VP Leni ng kanyang mga balakin at mga hinihinging mga reporma at ulat hinggil sa mga kaganapan na pinagtustusan para sa pandemya.
Kaya kung nais mong magpalakas at mag-relax, huwag ka nang magdalawang isip at may tamang taong papalit sa iyo. Ma-mimiss ka namin, pero okay lang, sige na lang dahil bayan naman ang usapin dito. At kung nasaan ka man, huwag mo nang asahan na hahanapin ka pa namin.
Sa mga gumagalaw na grupo o taong nagnanais na manatili sa poder, huwag ninyong subukan ang bait ng mga Filipino. Dahil kapag napuno na ang salop, kakalusin kayo, kasama ang mga yaman ninyo. Walang pagdadalawang isip si Juan Pasan Krus na balikan kayo at ipataw sa inyo ang mga nararapat na parusa sa pagtatakwil sa pamahalaan at sa bayan.
‘Di pa man kayo napagtuunan ng pansin sa ngayon, balang araw ay aabutin din kayo ng mahabang kamay ng batas. Kaya’t habang may panahon pa, iwaksi ninyo ang maling pagnanasa sa kapangyarihan at kaperahan nang hindi na tayo humantong sa hanapan, kung nasaan ka man.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com