Advertisers
UMAKYAT na ng mahigit 197,000 ang kabuuang bilang ng mga naitatalang pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Batay sa case bulletin #164 na inisyu ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00PM nitong Martes, Agosto 25 ay nakapagtala pa sila ng 2,965 bagong kaso ng COVID-19 kung saan ang resulta ay isinumite ng 86 mula sa 109 kasalukuyang operational labs sanhi upang umabot na sa 197,164 ang kabuuang bilang ng kaso nito sa bansa.
Samantala, ang magandang balita naman, nakapagtala pa ang DOH ng karagdagang 368 pasyente na gumaling na mula sa virus kaya’t umakyat na rin sa 132,396 ang total COVID-19 recoveries sa bansa.
Sa kabuuang bilang, 61,730 pa ang aktibong kaso, 91.6% ang mild cases; 6.1% ang asymptomatic; 0.9% ang severe at 1.4% naman ang kritikal.
Pinakamarami pa ring naitalang bagong kaso sa National Capital Region (NCR), na nasa 1,575; sumunod ang Negros Occidental, na may 237; Laguna, na may 151; Cavite na may 129 at Batangas na may 95 naman.
Mayroon din namang 34 na pasyente ng virus ang iniulat na namatay dahil sa sakit sanhi upang umakyat na sa 3,038 ang COVID-19 death toll sa Pilipinas.
Sa bilang ng mga namatay, 26 ang binawian ng buhay nitong Agosto; 7 noong Hulyo; at isa noong Hunyo.
Ang 22 sa mga COVID-19 deaths ay mula sa NCR; apat ang mula sa Region 7; tatlo mula sa Region 4A; dalawa mula sa Region 5 at tig-isa ang mula sa Region 4B at Region 10, habang isa ang repatriate.
Mayroon din umanong 53 duplicates na naalis mula sa total case count. Sa naturang bilang, 13 ang recovered cases na tinanggal. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden)