Advertisers
Ikinagagalak kong ibalita sa inyo na isa na naman sa mga alipores ni Datu Unsay o Andal Ampatuan, mastermind ng Maguindanao Massacre, ay nalambat ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa Misamis Oriental nitong nakaraang linggo.
Natanggap ng aming opisina, ang Presidential Task Force on Media Security ( PTFoMS) ang report ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Lanao na kinikilala ang suspek na si Nasser Mangelen Adam, alias Bansuan Kasim, matapos ang matagal na malawakang paghahanap sa suspek na humantong sa pinagtatrabauhan nito bilang security guard sa Brgy. Mohon, Tagoloan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes noon pang December, 2019.
Pang-limang suspek na si Adam na nadarakip ng pulisya matapos ipataw ni Judge Solis-Reyes ang hatol sa 57 kaso ng murder ng Maguindanao Massacre kabilang na si Datu Unsay. Dalawa pang mga pangunahing suspek ang pinaghahanap – si Datu Bahnarin A. Ampatuan at Datu Saudi Ampatuan Jr. na parehong may P300k na patong sa kani-kanilang mga ulo. Ang iba pang mga suspek ay may patong naman na P250k sa kani-kanilang pagkahuli.
Pinapurihan naman ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Co-Chairman ng PTFoMS ang determinasyon ng PNP sa pagkakaaresto kay Adam sa kabila ng panganib ng pandemiya dahil sa COVID-19.
Ito rin kasi ang dahilan kung bakit itinatag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PTFoMS, upang matigil o maiwasan ang anumang kaharasang maaaring gawin sa mga taga-media. Sabi nga ni Secretary Andanar ipinakita ng PNP ang mariing determinasyon at dedikasyon ng Administrasyong Duterte maresolba ang kaso ng Maguindanao Massacre at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng maraming media sa karumal-dumal na krimen.
Ang PTFoMS naman gaya ng inatang na tungkulin sa amin ay patuloy na makikipag-ugnayan sa kapulisan at sa Department of Justice upang makamit ang hustisya para sa lahat ng mamamahayag na ginawan ng karahasan.
Patuloy kaming magmo-monitor sa mga kasong ito at ibabalita sa publiko anuman ang bagong kaganapan sa bawat kaso, maging ang pagkakahuli ng mga suspek at mga mastermind sa pangyayari laban sa media.