Advertisers
KINAKALAMPAG ngayon ng electric consumers sa Iloilo ang More Electric and Power Corporation (MORE) upang humingi ng refund makaraan matuklasang sila ay “overbilled” dahil sa systems losses na ipinataw ng MORE, na halos doble sa pinahihintulutan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa virtual press conference nitong Sabado, ibinunyag ng Koalisyon Bantay Kuryente (KBK), isang consumer rights advocate group sa Iloilo City, na nilabag ng MORE Power ang 2017 ERC-mandated cap sa ‘systems loss’ nang magpataw sila ng 12 percents systems loss charge, kumpara sa mandato na 6.25 percents ng ERC.
Ayon kay KBK Chairman Ruperto Supena, natuklasan nila ang iregularidad nang repasuhin nila ang consumer bills at doon natuklasan ang halos dobleng systems loss charge na nakakarga sa kanilang electricity bills.
“Galit na galit ang mga consumer. Kaya pala halos madoble rin ang kanilang electricity bills kaysa sa dati nilang binabayaran. Ang nakapagtataka pa lalo ay ang walang patid na power outages pero mas mataas pa rin ang bills maging sa mga kumpanyang sarado simula noong Marso,” ani Supena.
Dahil dito, ang demand umano ng consumer sa Iloilo ay agarang refund mula sa MORE Power.
“Seryosong paglabag ito na dapat mabilis at masusing imbestigahan ng ERC,” dagdag pa ni Supena.
Nanawagan naman si Allen Aquino, coordinator ng KBK, kay Pangulong Duterte, sa Kongreso at sa ERC, na mamagitan na sa power issue sa Iloilo at wakasan ang nangyayaring sobrang singil sa mga consumer.
Malaking katanungan din umano para sa Ilonggo consumers kungbsaan napupunta ang kanilang binabayad sa MORE Power dahil wala silang nakikitang pagbuti sa serbisyo at sa halip ay mas malala pa umano ang sitwasyon nila ngayon dahil sa palpak na power service ng MORE, ayon kay Aquino.
Sinabi naman ni Panay Electric Company (PECO) legal counsel Atty. Estrella Elamparo na hindi ito ang unang pagkakataon na gumawa ng mga kahina-hinalang hakbang ang MORE Power sa kanilang operasyon. Noong Pebrero ay nagsagawa ang MORE Power ng hostile corporate takeover sa mga pasilidad ng PECO, ang power distribution provider sa Iloilo sa loob ng 97 taon, sa kabila ng court order mula sa Iloilo RTC na panatilihin ang control ng PECO sa operasyon ng power distribution.
Idinagdag pa ni Atty. Elamparo na ang mga isinumiteng dokumento ng MORE Power sa ERC ay kulang ng sapat na imporasyon upang ilarawan ang kasalukuyang kaganapan sa power situation a Iloilo.
“Ang mga consumer sa Iloilo ay patuloy na magdurusa hangga’t hindi mabilis na reresolbahan ng ERC at ng Korte Suprema ang usaping ito,” ani Atty. Elamparo.
Inaasahang tatalakayin ng Supreme Court (SC) ang isyu ng konstitusyunalidad ng MORE takeover sa pasilidad ng PECO sa lalong madaling panahon. (PFT Team)