Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
HINDI lamang ang mga katulad nina Pia Wurtzbach (Miss Universe 2015) at Catriona Gray (Miss Universe 2018) ang nakapag-uuwi ng karangalan sa Pilipinas sa larangan ng beauty and personality pageants.
Maging ang mga Kabataang Pilipino ay umani ng tagumpay kamakailan sa Indonesia sa ginanap na Kids of the World 2025 na ginanap sa Bali nitong February 28 hanggang March 1.
Wagi bilang Little Mr Kids of the World 2025 si Quincy Ross Antonio Pertodo na nakasungkit din ng award bilang Most Iconic at Most Favorite.
Bongga ang bagets dahil kinabog lang naman niya ang mga kandidato mula sa mga bansang Indonesia at Laos.
Kinoronahan naman bilang Junior Ms Kids of the World 2025 si Elisha Nicole Erana na tinalo ang representative mula sa South Africa, Indonesia, at Bostwana; hinirang naman bilang Little Miss Ambassador Kids of the World 2025 si Princess Margaret de Castro na tinalo ang mga representative ng Indonesia, Laos at Bostwana.
Samantala, wagi bilang Junior Miss Universe Kids of the World 2025 si Athena Ashley Salanga na tinalo ang taga-Indonesia at Laos; at winner bilang Junior Mr. Ambassador Kids of the World 2025 si Khale Luis Alvarez Montiel na mahigpit na nakalaban at tinalo ang mga kapwa niya bagets na kandidato mula sa Indonesia at Laos.
At happy kami na muli naming nakasalamuha at nakausap si Charlotte Dianco ng Spring Fairy Entertainment Productions na National Director ng naturang patimpalak.
Dati ay sa Star Awards namin madalas nakakatsikahan si Charlotte, ngayon ay may iba at bigatin ding event na siyang hinahawakan.
At bukod kay Charlotte ay hindi makukuha ng limang bagets ang kani-kanilang titulo kung wala ang guidance ni Ms. V-Gay Y Mortiz ng Alva Kids.
Talented din ang iba pang alaga ng Alva tulad ni Miguel François Casimiro na nag-host, ni Bless Pedrosa, pasabog na dance performance nina Jaden Galang & B. A. S. PH (Bless, Ashley, and Sofia) at ang pagrampa ng iba pang Alva kids at Goin’ Bulilit stars at ni Miss Teen Culture Sabrina Renee Bautista.
Samantala, ayon kay Ms. V-Gay, sa kabila ng murang edad ng mga nabanggit na winners ay hindi sila nahirapan sa pagte-training sa lima dahil gifted ang mga ito.
Ani Ms. V-Gay, “Actually dahil na rin sa kanila, sa mga bata, eh ako ay guidance lang. So, with the help of God and itong mga batang ito they are gifted already eh.
“So sa akin guidance na lang. And importante sa akin iyong tulong ng mga magulang for the attitude kasi sila ang kasama ng mga bata.”
May apat na sessions na isinagawa ang Alva Kids sa pagte-training sa mga bagets. At sa lima, si Nicole ang pinaka-una dahil 6 years old pa lang ito’y nasa kanila na.
“Wala siyang ibang training and iyong actual na runway, kapag may mga invitations ang Alva Kids dinadala namin sila for the experience. And with the four sessions lahat iyan parang nai-compress namin iyong lessons tapos may mga partner tayong experts na kasama namin para mahasang mabuti pa ang mga bata.
“Isa sa partner experts namin ang Global Academy of Rock para sa music. Sa modeling ang RunwayAtelier and mayroon po tayong coaches na online and runway model na nakakasama sila na tumutulong. Sa acting naman mayroon tayong mentors from Goin’ Bulilit na nagtuturo sa kanila,” kuwento pa rin ni Ms. V-Gay.
Maging sa kanilang national costume at evening wear ay nakipaglaban na mabuti ang mga bata.
“More on high fashion ang ipinakita ng mga bata. Ang question and answer for the preteens. Ang kids more on the ramp.
“Gifted sila, they listen well. Kapag makulit napagsasabihan naman, nakikinig sila. Ang unang tine- train namin sa Alva sa kanila ay attitude. Kapag wala po ‘yan hindi na namin tine-train. Kinakausap na namin ang parents na hindi namin kakayanin kasi kailangan namin number one is communication then attitude,” pagbabahagi pa ni Ms. V-Gay.
Tinalo ng limang bagets na Pinoy ang mga kandidata at kandidato mula sa Laos, Bostwana, Korea, Indonesia, South Africa, at India.
Ayon naman kay Ms. Charlotte, unang beses pa lamang idinaos ang Kids of the World at magiging annual event na ito.
With the good looks and talent ng limang nagwagi sa Kids of the World 2025 ay hindi nakapagtataka na naiuwi nila ang kanilang mga titulo at korona.