Advertisers

Advertisers

ORDINANSA SA HEALTH PROTOCOLS, WALANG TALIM

0 184

Advertisers

Nagagalit at pinagtatawanan lamang ng iba ang mga ordinansa hinggil sa mga health protocols gaya ng social gathering, social distancing, wearing face mask at face shield.

Kaliwa’t kanan ang mga hindi sumusunod sa ordinansang ipinapatupad ng gobyerno, kahit na kaliwa’t kanan din ang pagpuna ng mga kababayan natin sa mga matitigas ang ulo.

Kahit na nga ang ibang siyudad sa Metro Manila ay nagbuo pa ng task force para manghuli sa mga kababayan nating “letmaku” o yung mga pasaway sa mga ordinansang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.



Kung ang mga kababayan natin ang tatanungin, isa lamang ang kanilang nagiging sagot, “sila lang ba ang pwedeng lumabag?”, tila may halong pang-iinsulto ito sa mga tagapagpatupad nito.

May pagkukulang sa liderato at pagpapatupad nito ang nakikita po ng inyong abang lingkod, kung nakikita sa mga liderato ng pamahalaan na sila mismo at sampu ng kanilang mga kasamahan at itinalagang tagapagpatupad ang numero unong lumalabag sa batas.

Paano mo nga ba rerespetohin ang ginawang ordinansa kung sila mismong may gawa at nagpapatupad ay hindi sumusunod? Naalala ko tuloy ang motto ng yumaong Mayor Alfredo Lim, “ THE LAW APPLIES TO ALL, OTHERWISE NONE AT ALL “, mga katagang dapat isinasaisip ng mga nanunungkulan sa bansa.

Ibig sabihin, ipatupad ang ordinansa o batas sa lahat ng naaayon sa batas, walang exemption ultimo sa mga gumawa o nagpapatupad ng batas na ito bilang respeto na rin sa ating saligang batas.

Sino nga ba ang huhuli sa mga taong lumalabag sa sarili nilang batas na ginawa at maging sa mga tagapagpatupad nito?



Hindi rin natin masisisi ang mga kababayan natin na lumalabag sa mga batas o ordinansang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan, dahil na rin sa mga ipinapakita ng ilang pasaway na opisyal.

May kasabihan nga ang mga bata, “ang isang pagkakamali ay nagiging tama kapag ito ay nakikita o ginagawa ng mas matanda”.

Paano mo huhulihin ang lumalabag sa ordinansa, kung ang mismong nagpapatupad ng batas o ordinansa ay lumalabag din?

Paano mo itutuwid ang isang baluktot, kung ang sarili mo ay hindi mo kayang ituwid, sa madaling salita, hindi mo maitatama ang mali, kung mali rin ang ipinapakita mo.

Kaya mistulang bungi at walang talim ang ordinansa sa health protocols ng gobyerno, dahil pawang para sa mahihirap lamang at walang kapit sa gobyerno ang ipinatutupad na ordinansa.

Ang dating sa mga kababayan natin, yung kaya lang at hindi kapanalig ang hinuhuli ng ordinansang ito, sa madaling salita namimili lang ng hinuhuli ang ordinansang ito.

Kaya walang pagbabagong makakamit ang bansang ito, dahil ang bawat isa ay walang respeto at disiplina sa mga ipinatutupad na batas ng gobyerno.

***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com