Advertisers
PATAY ang isang hindi pa nakikilalang babae nang pagbabarilin sa bahagi ng UP Campus sa Quezon City, Sabado ng madaling araw.
Sa ulat, ang biktima ay tinatayang edad 35- 40, may taas na 5’2, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng New York Los Angeles black-shirt at blue shorts.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), 3:11 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa service road ng Katipunan Avenue, harapan ng UP Campus.
Ayon sa imbestigador na si S/Sgt Julius Raz, nagpapatrulya sina MMDA traffic enforcer Arturo Toledo at Richard Franco sakay ng motorsiklo nang maispatan ang duguang nakahandusay na katawan ng babae sa nasabing lugar.
Agad namang nagresponde ang SOCO team sa pamumuno ni Lt. Michael Jabel at nasamsam sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng caliber .45.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang biktima at mga salarin at mabatid ang motibo ng krimen.(Boy Celario)