Advertisers
WINARNINGAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng pulis na may paglalagyan sakaling mapatunayan na sila ay nanghihingi ng pera o nangongotong sa lahat ng vendors kapalit ng pabor para makapagtinda sa mga ipinagbabawal na lugar at mga daluyan ng trapiko.
Sa kanyang llive broadcast, partikular na binalaan ni Moreno ang isang nagngangalang ‘Bekbek’ na iniulat sa kanya na siyang nasa likod ng operasyon ng mga illegal vendors na siyang dahilan ng mga obstruction sa kalye na nauna nang nilinis ng pamahalaang lungsod.
“Baka akala ninyo pandemya, pag nakatalikod ang gobyerno sige kayo. Kayo mga Eddie ha, meron pa ‘kong naririnig diyan ‘Bekbek,’ sige. Pasensiyahan tayo.. sinabi ko na sa inyo, sa mga pulis na malalaman ko na patong sa vendor o sa obstruction, dito ko kayo ipakikilala (live broadcast),” giit ni Moreno.
“Uulitin ko.. magtino kayo. Ang dami nang problema. Ako, naniniwala di yan mage-exist.. alam mo nang bawal, me obstruction, wala kang ginawa? Isang bagay lang ‘yan. Nasa mabuting ‘cash-unduan’ ‘yan at ‘ma-boteng’ usapan. Wala tayong tolonggesan, ” dagdag pa ng alkalde.
Ang warning ng alkalde ay binaba makaraang magsagawa ng clearing operations ang mga tauhan ni Department of Public Service (DPS) chief Kenneth Amurao nitong weekend kung saan nilinis nila ang mga illegal vendors sa Juna Luna Street na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtitinda dahil ito ay pangunahing kalsada.
Ayon kay Moreno hindi magkakaroon ng lakas ng loob ang mga vendors na suwayin ang reglamento ng lungsod kung walang basbas ng pulis na siyang nakakasakop sa nasabing area na pinupwestuhan ng mga vendors.
Binigyang diin ng alkalde na may mga kalye na nilinis na sa mga vendor ang hindi talaga puwedeng puwestuhan o ‘non-negotiable’ . Ito ay ang Juan Luna, Soler, buong Recto Binondo side, Carriedo, Paz, A. Linao, Pedro Gil, Taft Avenue at iba pa.
“Di po tayo titigil kahit pailan-ilan, kukunin natin ‘yan (obstruction) dahil sa pag-abuso ng mga me tindahan. Pagpasensiyahan n’yo na, wala tayo magagawa. Akala n’yo abala kami sa paghuli ng mga kriminal at sa COVID ha. Ang kaayusan sa Maynila kailangan ay certain…tuloy-tuloy ang polisiya,” giit ni Moreno.
Pinasalamatan din ng alkalde ang team ni Amurao sa pursigidong kampanya nito na linisin ang mga ‘non-negotiable’ na kalye sa illegal vendors. (Andi Garcia)