Advertisers
Sa harap ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic sa bansa, patuloy si Senate committee on sports chairman Sen. Christopher “Bong” Go sa pagtulong sa vulnerable sectors at sa mga nangangailangan, kinabibilangan ng mga atleta at coaches na nawalan ng aktibidad o kabuhayan dahil sa krisis.
Noong Biyernes ay personal na binisita at inabutan ng tulong ni Sen. Go ang 59 benepisyaryo mula sa grupo ng boksingero sa Buhangin Gym sa Buhangin, Davao City.
Kabilang sa mga ibinigay ni Go ay mga pagkain, masks at mga gamot sa atleta. Sinunod sa pamamahagi ng ayuda ng senador at ng kanyang tropa ang estriktong health at safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa kanyang pagsasalita, nagpaalala ang senador, siya ring health committee chair, na palaging ingatan ng mga atelta ang kanilang kalusugan sa harap ng pandemya.
“Mga boxers, alam ko naman na sanay na kayo. Mag-ensayo muna kayo para ang resistensya natin lumakas dahil itong COVID, napansin namin kung sino ‘yung malakas ang resistensya, nakaka-recover agad,” ani Go.
“Tingnan ninyo, tumataas ang numero ng nagpopositibo pero mataas rin ang numero sa mga nakarecover at karamihan sa mga nakarecover ay mga bata,” anang senador.
Inulit ni Sen. Go ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na palaging uunahin ng gobyerno ang mahihirap at vulnerable sectors pagdating sa pamamahagi ng tulong at serbisyo, lalo kapag nagkaroon na ng bakuna laban sa virus.
“Magsuot kayo ng face shields at lagi rin kayong mag-mask. Pero ‘wag kayong mag-alala dahil kami ni Presidente Duterte, nagsusumikap talaga kapag mayroon ng vaccine na talagang tested na, ‘yung sigurado na protektado tayo sa sakit, uunahin talaga namin ang mga mahihirap na makakatanggap agad ng vaccine,” aniya.
“Sisiguraduhin namin na accessible sa inyo lalo na ‘yung mga vulnerable. Ibig sabihin ng vulnerable, ito ‘yung mga tao na kinakailangan magtrabaho, kinakailangang lumabas sila. ‘Yung madaling mahawaan, sila ang uunahin natin na mabigyan ng vaccine,” dagdag ng senador.
Nauna rito, hiniling niya sa pamahalaan na mamahagi rin ng maayos na face masks sa mga mahihirap na hindi makabili at mahigpit na ipatupad ang mask-wearing policy sa bansa.
“Let us make this a discipline among all Filipinos as we continue our fight to stop the spread of COVID-19. I am urging the government to use its resources to provide masks, especially to the poor and vulnerable,” sabi ng mambabatas.
Bukod kay Sen. Go, namahagi rin ang Department of Social Welfare and Development ng karagdagang tulong sa mga atleta bilang bahagi ng tinatawag na Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Nagbigay din siya sa ilang benepisyaryo ng bisikleta.
“I have strongly been advocating for the use of bicycles these days. Matagal ko na rin pong hinihikayat ang ating mga kababayan na gumamit nalang po ng bisikleta para sa kanilang pang-araw araw na commute,” ani Go. (PFT Team)