Advertisers
KASABAY ng pangunguna sa pamamahagi ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Masbate, ipinaalala ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapalakas sa National Building Code at ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience at ang mandatory evacuation centers.
Katuwang ang Office of the President at Department of Social Welfare and Development, nakapagpaabot ng financial assistance sa lalawigan ng Masbate at ilang mga bayan na napinsala ng 6.6 magnitude na lindol.
Sa pamamagitan ng video message, pinalakas ni Go ang morale ng mga biktima kasabay ng paghikayat sa mga ito na magtulungan para mas mabilis ang recovery mula sa pinsala ng disaster.
Tiniyak din ni Go sa mga residente na nauunawaan niya ang pinagdadaanan ngayon ng mga biktima ng lindol sa Masbate dahil naranasan din nila ito sa Davao at iba pang bahagi ng Mindanao.
Kaugnay nito, iginiit ni Go ang importansya ng pagkakaroon ng mga ahensiya na tututok talaga sa mga kababayan sa panahon ng kalamidad at disaster habang kailangan din na matiyak ang tibay ng mga istruktura para sa kaligtasan ng sambayanan.
Samantala, agad na nagpaabot ng pasasalamat ang ilang mga local officials ng Masbate tulad ni Barangay Matayum Captain Jacqueline Raboy sa effort ni Senator Go na mabilis na pagtulong sa kanila.
Ayon kay Raboy, nagpapasalamat na din siya sa paparating pang ibang food packs mula sa tanggapan ni Go habang umaasa siyang marami pang kababayan ang magbigay ng tulong sa mga biktima.
Matatandaang nag-iwan ng maraming pinsala ang lindol kabilang na ang nadiskubreng sea sinkhole sa barangay Kasabangan sa bayan ng Pio V. Corpus. (Mylene Alfonso)