Advertisers
SIMULA ngayon, Linggo (Agosto 23), mapapanood ang mga natatanging pelikula na gawa para sa telebisyon sa Telesine Presents.
Tunghayan ang iba’t ibang dekalibreng istorya na magpapatawa, magpapaiyak, magpapakilabot, at magpapakita ng iba’t ibang sitwasyon sa buhay.
Para sa unang episode, sundan ang kwento ni “Cara Mystica” na pinagbidahan ni Judy Ann Santos bilang Cara, isang dalagang kinukutya sa kanilang bayan dahil sa kanyang panlabas na anyo. Sa kabila ng kanyang pinagdaraanan, nariyan ang kanyang kasambahay at kaibigang si Gomer (Romnick Sarmenta), na kanyang inspirasyon at tagapagtanggol laban sa mga nananakit sa kanya.
Isang araw, nadiskubre ni Cara ang antique na salaming sinasapian ng espiritung si Misty. Bibigyan niya si Cara ng pagkakataong gumanda na babago sa buhay ng dalaga.
Kasabay ng pagbabago ng kanyang itsura, mahahanap kaya ni Cara ang kaligayang hinahanap-hanap?
Abangan ‘yan ngayong Linggo sa “Telesine Presents: Cara Mystica” pagkatapos ng The Boobay and Tekla Show sa GMA Network.
***
Neil Ryan Sese paano kumikita ngayong may pandemya?
Ikinuwento ni Descendants of the Sun PH star Neil Ryan Sese kung paano siya kumikita ngayong may pandemya at pansamantalang naantala ang trabaho sa showbiz.
Sa interview niya sa Amazing Earth, sinabi ni Neil na kasalukuyan siyang nagde-deliver ng seafood sa iba’t ibang lugar gamit ang kanyang bisikleta.
Aniya, “Sobrang nae-enjoy ko na. Kasi akala ko noong una gagawin ko lang siyang business noong lockdown. ‘Di ko naman akalain, ‘di naman natin akalain lahat na hahaba ng ganito ‘yung lockdown.”
Malaki rin daw tulong ang ganitong klase ng trabaho sa bikers na kagaya niya, “Alam ko nga may mga kaibigan akong nawalan ng trabaho na bikers din. I think ito yung malaking makakatulong sa kanila kasi kayang kaya nila gawin ‘to for sure,” dagdag pa ng aktor.
Samantala, mapapanood si Neil sa pinakabagong episode ng ‘Dear Uge Presents’ kasama sina Eugene Domingo, Candy Pangilinan, at Lotlot de Leon ngayong Linggo (August 23), 2:30PM, sa GMA Network.
***
Carmina Villarroel may pa-live birthday streaming sa kanyang YouTube channel
Bumuhos ang kulitan, masayang kwentuhan, at nakatatawang bukingan sa live birthday streaming ni ‘Sarap, ‘Di Ba?’ host Carmina Villarroel sa kanyang YouTube channel noong August 15.
Bago ang kanyang 45th birthday celebration noong August 17, nakipagchikahan muna online si Carmina sa kanyang celebrity friends.
Ilan sa mga napag-usapan nila ay ang masasayang memories sa trabaho pati na rin ang ilang nakatutuwang pag-uugali ni Carmina.
Isa na riyan ang pagiging super organized daw ng aktres sa puntong nakalista pa raw sa kanyang journal ang lahat ng nairegalo na niya sa mga kaibigan kahit sampung taon na ang nakalilipas.
Samantala, magpapatuloy naman ang masayang selebrasyon ng kaarawan ni Carmina kasama sina Cassy, Mavy, at Zoren Legaspi sa ‘Sarap, ‘Di Ba? tuwing Sabado.
***
John Feir excited nang magbalik-trabaho sa Pepito Manaloto
Looking forward na ang Kapuso comedian na si John Feir na muling mag-taping para sa award-winning Kapuso family sitcom na Pepito Manaloto: Ang Tunay Na Kuwento.
Na-miss na raw nang husto ni John na makatrabaho ang kanyang co-stars sa programa.
Sa kanyang Instagram post, napa-throwback ang komedyante at ipinakita sa kanyang followers ang isang group photo kasama ang cast at production team ng show. At tila nagpahiwatig pa nga ito na nalalapit na ang pagkikita-kita nila para muling mag-taping.
Aniya, “Guys practice lang to ha next time tayo magpa picture di na puedeng tabi tabi. Lapit na tayo magkita kita #socialdistancing #staysafe #PepitoManaloto.” (Rommel Gonzales)