Advertisers
NGAYON magsisimula ang ika-4 lockdown sa Metro Manila o National Capital Region (NCR) na isinailalim uli sa Enchanced Community Quarantine (ECQ) para mapigil daw agad ang pagkalat ng “Delta variant”, anak o apo yata ito ng Covid-19. Ewan!
Dahil lockdown, sarado uli ang mga kabubukas lang na negosyo tulad ng salons, bars, sinehan, arcades, bilyaran, amusement parks, at iba pang business establishments na matao. Ang restoran take out lang.
Dahil sarado ang mga ito, marami uli ang walang trabaho, patay ang raket. Gutom ang pamilya!
Oo! Bawal lumabas ang mga ‘di authorized person outside authority (APOR) partikular tambay at mga tsismosa!
Bawal na bawal din mga bata lumabas ng bahay. Siksikan na naman sa maliit na kuwarto ang walang family planning na pamilya at nangungupahan pa. Araguy!!!
Sa dalawang linggong lockdown na ito, sana huwag ma-extend, magbibigay ang gobierno ng P4,000 cash aid sa bawat pamilya. Wish ko lang!!!
Ang problema lang, sabi ng pabago-bagong magpaha-yag na Presidential spokesman Harry Roque, hindi pa alam kung saan kukunin ang pondong P11.2 bilyon para sa 10.7 milyong residente ng NCR.
Ang lockdown ay magsisimula ngayon at matatapos sa Agosto 20. Ang ayuda ay dapat ibinigay kahapon, right?
Sabi, ni Interior Secretary Eduardo Año, ngayon sisimula ang pamamahagi ng ayuda. Ang LGUs ang mamamahagi nito. Pero wala pa raw natatanggap na tseke ang mga mayor. Tsk tsk tsk…
Okey! Kung mamahagi man ng cash aid, sana lahat ng dapat ayudahan ay mabigyan, ‘di ‘yung supporters lang ni Tserman.
Kasi sa nagdaang bigayan ng Social Amelioration Progam 1 at 2, marami ang hindi nabigyan at may mga nabiyayaan ng doble.
Sa SAP 2 lang, napakarami ang hindi nakatanggap ng cash aid na P8,000 pero nabigyan sila ng reference number sa mga remittance center. Na nang kanilang kubrahin ay walang laman. Nag-expire lang ang batas noong Hunyo 30 nang hindi nakatanggap ang mga dapat makatanggap. Iyakan ang mga natambay. Huhuhu…
Sabi ng aking mga kapitbahay sa Tondo, sana lahat ay mabigyan ng ayudang ito dahil lahat ay nawalan ng trabaho pati dati nang tambay. Ngek!
***
Ito na ang ikaapat na lockdown sa Metro Manila. Una noong Marso 15 – Hunyo 30, 2020, sumunod Marso – Abril 2021, tapos ECQ NCR Plus Bubbles few months ago, at ngayon (August 6 – 20).
Sa mga nagdaang lockdown na ito, hindi naman bumaba ang Covid cases, nanganak pa nga ng Alpha variant, Beta variant at itong Delta variant.
Paistupidong tanong ng netizens: “Paano nila nalalaman na ang virus ay Alpha, Beta o Delta variants?”. Aba’y hindi ko po alam. Sina Health Secretary Francisco Duque at kanyang mga kasapakat lang ang nakakakilala sa mga virus na iyan eh.
Sa kabilang banda, inamin ng DoH na hindi naman talaga mawawala ang mapamuksang China virus na ito sa pamamagitan lang ng lockdown. Bakuna lang daw ang makakalusaw sa Covid-19.
Kung ganun? Bakit pa tayo nagla-lockdown? Lalo lang nagkakasakit ang mga tao sa problema sa pinansyal. Bakit hindi nalang tutukan ang vaccination para magkaroon na ng herd immunity sa Covid-19? Ano na bang nangyari sa trilyong piso na inutang pambili ng bakuna? Bakit kung wala pang donasyon mula sa ibang mga bansa ay walang maituturok sa atin, Mr. President???
Sagot ng marami: “Ang 2022 election lang ang makapagpapalayas sa Covid -19 sa Pilipinas. Mismo!