Advertisers
ANG malusog na katawan ang sukatan ng kayamanan. Literal man nating sabihin o isang kasabihan lamang, talagang ang malakas na katawan ang madalas na kinaiingitan at hinahangaan. Sa mga patimpalak ng mga kagandahan, kadalasang hubog ng katawan ang pinapansin.
Ang ganda ng mukha’y saka na lamang mapapansin kung naihayag na ang nagkamit ng trono. Ang talino nama’y sa bandang huli lumalabas kung magkaroon na ng mga katanungan. Ipinapakita nito na ang pag-aalaga sa kalusugan ng katawan ang primera sa lahat, kasunod na lamang ng ibang mga katangian kung darating ka sa pinakadulo.
Marami sa mga tao’y binabaliwala na lamang ang pag-aalaga sa katawam. Binabaliwala nila ang mga simpleng ubo dahil alam nilang kaya itong dalahin ng kanilang katawan. Subalit nang dumating ang pandemya, naging iba ang pagtuon sa ubo’t sipon na may konting lagnat. Hindi na ito basta-bastang mapagbaliwala at hindi na basta kayang sampalin dahil may malala pala itong idudulot kung pababayaan.
Kamusta na kaya ang kalusugan ngayon ni Totoy Kulambo? Nasampal na ba niya ang C19 o inihiga na siya nito?
Kamakailan, lumabas sa social media at maging sa mga pahayagan na nagpositibo si Año sa C19 at kinailangan niyang magtago o magquarantine. Ang tanong: Ano ang kalagayan ni Totoy Kulambo ngayong ang top general niya’y positibo sa pandemya? At ngayo’y hindi na mahagilap ang mamâ?
Nagkaroon ito ng press conference kagabi, subalit parang maraming hindi tama sa lugar na pinagganapan nito–oras, lugar na pinagdausan ng presscon, at mismong mga kilos ni Totoy Kulambo na parang hinang-hina at hirap sa paghinga. Ang kagalingan pa rin nito ang ibig natin, subalit kailangan ding aminin ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan upang hindi mailagay sa kapahamakan ang pagpapalakad sa pamahalaan.
Nariyan naman ang Bise Presidente na alam nating may kahandaan, sa panahong dapat na itong humalili. Kung kailangan nang magpahinga para sa kagalingan ng kalusugan, magpaubaya na.
Bantay sarado kay Juan Pasan Krus kung malusog ang katawan ng punong tagapagpaganap dahil hindi basta-bastang usapin ito. Malinaw na kung wala nang kapasidad itong gampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin, ang paglilipat ng poder sa Bise President ang dapat mangyari; o baka naman talaging niyayari nila ito dahil sa takot sa mga kabalbalan na pinaggagawa nila? Bong Go home na may pagdinig pa.
Abangan pa natin ang ilang mga opisyal sa pamahalaan kung biglang tamaan din ng pandemya, baka lalong luminaw ang tunay na kalagayan ng kalusugan ni Totoy Kulambo. Ang galaw ng mga alipores nito ang gawin nating hudyat sa pagtiyak ng kalusugan ni Totoy Kulambo kung pwede pa o hindi na.
Mahusay na barometro ang mga ito at dapat alam na natin ang dahilan ng mga ito. Kailangan nating mataang mabuti ang kilos ng palasyo. Mahalaga ang bawat oras at araw na tumatakbo dahil ora de peligro ngayon ang kalusugan ni Totoy Kulambo.
Sa pagtaya sa kalusugan ni Totoy Kulamabo, nabanggit ni Mang Kepweng na talagang malakas pa ito at kaya pa nitong humabol sa kanya o maging kay Kobe. Sa ngayon, ang kondisyon nito’y isang molang pangarera na maging si Manoy o Pidol ay kayang lagpasan nang walang hingal dahil talagang batak at napupunto ito. Hindi magkakamali ang tataya at tiyak ang kubra nito sa takilya dahil banderang tapos ito. Kung baga eh, perpetual isolation, di ba Mars?
Ngunit sa totoo lang, ang pinaka-kinababahala ko ay ang kalusugan at kabuhayan ng mga Filipino na hindi hinarap nang tama ng pamahalaang ito. Walang mga planong ginawa upang harapin ang pandemya at pagalawin ang kabuhayan.
Basta’t kailangan pakilusin ang ekonomiya ng bansa, subalit walang mga kaukulang hakbang upang siguruhin ang kaligtasan ng lahat ng gagalaw sa panahon ng GCQ. Ekonomiya ba ang una? E di proteksyunan natin ang mga totoong taong nagpagagalaw ng ating ekonomiya – ang mga Filipino. Proteksyonan ang lahat ng Filipino.
Nailatag na ba ang mga bagay na magpapagalaw at maghahatid sa mga obrero patungo sa kani-kanilang pinapasukan? Nailatag na ba ang mga permiso ng mga tsuper na maka-pamasada ng kanilang mga dyip? Maaari na bang iangkas si misis patungo sa pinapasukan at pabalik sa tahanan?
Ang malilit na pangangailangan, ang magiging dambuhalang usapin pagnaipon at magsama-sama–iilan lamang ito sa mga tanong na sana’y isinama sa pagbubukas ng ekonomiya ng bansa. Ating tandaan na ang maliliit na bagay ang tunay na nakapupuwing at ang malusog na mamamayan ang siyang kayamanan ng bayan.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malagpasan ang pagsubok na ito, gayun na rin ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***