Advertisers
NASA 15 bahay ang nasira dahil sa paghambalos ng malalaking alon dala ng hanging habagat sa Barangay Poblacion East, Oton , Iloilo nitong Biyernes, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Apat na pamilya ang lumikas sa Oton National High School, habang ang ibang apektadong pamilya ay nakikituloy nalang muna sa kanilang mga kamag-anak.
Nagpaabot na ng relief goods ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya.
Patuloy pa ang pagbabantay ng awtoridad sa mga kabahayan na malapit sa dagat at inabisuhan nang lumikas kung kinakailangan.
Samantala, binaha at nasira naman ang mga bahay sa coastal barangay ng lungsod ng Iloilo nitong Biyernes din ng umaga dala ng hanging habagat at pagtaas ng tubig dagat sa lugar.
Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot sa 11 bahay ang nasira sa tatlong coastal barangays ng lungsod.
Umabot naman sa tuhod ang tubig baha sa ilang bahay sa Rizal, Pala Pala 2.
Umabot din sa national highway ang baha sa Rizal Street ng lungsod.
Nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa mga apektadong pamilya.