Advertisers
UMUUGONG pa lamang ang balita sa nakatakdang pamamahagi ng 2,300 na laptop para sa mga guro, 25,000 tablets sa mga estudyante (Junior at Senior high school) at mga school supply para sa mga mag-aaral (elementarya) ng mga pampublikong paaralan sa Batangas City ay nag-uumapaw na ang galak ng mga mabibiyayaan ng proyektong kaloob ng lokal na pamahalaan ng nasabing Lungsod.
Para nga namang hulog ng langit sa nabanggit na mga guro ang ulat na pagkakalooban sila ng laptop ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha at naipagkaloob na ito sa tanggapan ng School Division Office ng Batangas City.
Ang libreng laptop, tablets at mga school suppy ay mula sa pondo ng Local School Board (LSB) ng lungsod.
Kung walang pagsidlan ng tuwa ang mga guro ay higit naman ang bilang ng mga magulang at mag-aaral ng public school ang nakikigalak din sa kumpirmadong balita na kasabay na isinalin sa kamay ni School district Superintendent Dr. Felizardo “Zaldy” Bolaños ang laptop para sa mga guro, ang may 25,000 tablet naman na nakalaan sa mga junior at senior high school ng naturan ding lungsod.
“Ang mga paaralan na ang bahalang magdistribute ng tablets at school supplies sa kanilang mga mag-aaral”, ang pagtiyak naman ni Bolaños.
Higit naman ang bilang ng mga mag-aaral sa elementarya ng nabanggit na siyudad ang makikinabang din sa suporta ng Batangas City Government para sa modular learning.
Lubos ang ating pasasalamat sa lokal na pamahalaan sa tulong at suportang ipinagkakaloob nito sa SDO Batangas City”, ani Bolaños.
Bagamat hindi pa natin makumpirma kung ilan ang bilang ng mga elementary pupils na mabibiyayaan ng libreng school supplies na kaloob ni Dimacuha tiniyak naman ng mayora na lahat na nasasakupang 105 na barangay ng syudad ay may kani-kanilang pampublikong paaralang elementarya ay tatanggap ng nabanggit na ayuda.
Dinaluhan nina Dimacuha at Congressman Marvey Mariño ang ceremonial turn over ng mga gadgets at school supplies sa DepEd Batangas City noong August 19, 2020.
Ipamamahagi din ang mga bags at envelopes na naglalaman ng school supplies tulad ng notebook, papel, lapis at ballpen sa mga mag-aaral mula sa una hanggang ikaanim na baitang.
“Wala nang dahilan upang hindi makapag-aral ang ating mga kabataan, ginagawa natin ang lahat ng paraan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan”, ayon pa kay Bolanos.
Lubos ang ating pasasalamat sa lokal na pamahalaan sa tulong at suportang ipinagkakaloob nito sa SDO Batangas City”, pahayag pa ni Bolaños.
Ayon naman kay City Councilor Alyssa Cruz Atienza, Sangguniang Panglungsod Chairman ng Committee on Education ay ibinatay nila ang bilang ng mga ipamamahaging tablets sa kabuuang enrollees sa junior at senior high school sa mga pampublikong mga paaralan sa Batangas City.
Pasubali pa ng konsehala para sa mga estudyanteng late enrollees, ay ikunkunsidera rin nila kung mabibigyan pa ang mga ito ng tablet depende sa supplemental budget na maaprubahan sa Sangguniang Panglunsod.
Dapat lamang naman na mabigyan ng kunsiderasyon at magkaroon ng libreng gadget ang mga nasabing mag-aaral pagkat karamihan sa mga di agad nakapagpa-enroll ay yaong mga estudyanteng kabilang sa pamilyang may napakalaking problemang pinansyal sa gitna ng pagragasa ng salot na pandemya.
Hindi magiging face-to-face ang pag-aaral sa pagbubukas ng klase simula sa October 5 alinsunod sa DepEd Order 007, S. 2020 bilang pangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga guro at mag-aaral.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com