Advertisers

Advertisers

15 ‘KORAP’ SA PCSO KINASUHAN NG NBI

0 329

Advertisers

INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman ang prosekusyon sa kasong graft laban sa 15 dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaugnay sa iregularidad sa operasyon ng Small Town Lottery (STL).
Kabilang sa inirekomendang litisin sina dating PCSO general manager Alexander Balutan, dating chair Jorge Corpuz, at kasalukuyan at dating directors Sandra Cam, Betty Nantes, Mabel Mamba, Francisco Joaquin, Marlon Balite at Jesus Suntay.
Gayundin sina STL monitoring group members Remeliza Gabuyo, Lauro Patiag, Arnel Casas, Anna Liza Inciong, Merceditas Hinayon, Andy Gauran at Edwin Mackay.
Si Gabuyo, chief ng monitoring group, ay inakusahan din ng obstruction of justice dahil sa hindi nito pagbibigay sa mga dokumento na hinihingi ng NBI.
Nabatid na sina Gabuyo, Cam, Balite, Patiag, Inciong at Casas ay inakusahan din ng gross misconduct.
Nalaman na ang reklamo ay inihain noong Hulyo 11 pero nitong Miyerkules lamang inilabas.
Kabilang umano sa mga iregularidad ang paggamit ng STL ticket printing fund para sa taong 2017 at 2018 na nagkakahalaga ng P637 milyon.
Alinsunod umano sa Republic Act No. 1169, o sweepstakes law, ang ticket printing cost ay hindi dapat lumampas sa 2 porsiyento ng gross receipt at ang sobrang printing fund ay dapat na ilagay sa PCSO charity fund.
Sinabi ng NBI na ang PCSO ay hindi nagkaloob ng fixed number ng tickets na ibibigay ng libre sa mga ticket vendors at pinayagan ang mga STL operators na mag-print ng kanilang tiket na nangangahulugan na hindi ginastos sa tiket ang PCSO.
Sa halip ginamit umano nila ang pera para tustusan ang kanilang operasyon na isang paglabag sa batas, bukod pa sa hindi pagre-remit ng kita ng STL sa gobyerno.
“The millions of pesos that were not reverted to the charity fund could have provided assistance to the Filipino people who are still in the grip of grinding poverty. Due to the acts and/or omissions of the PCSO officers and employees, the funds that should have been part of the charity fund to be enjoyed by the echelons of the society were enjoyed only by a few PCSO employees, a clear violation of the applicable laws, rules and regulations, and an infringement to the very purpose of the expansion of the STL operations,” ayon sa NBI.
Noong 2016, ipinanukala ni Gabuyo na rebisahin ang ipinatupad na patakaran sa PCSO para maitaas ang PCSO Charity fund at malaman ang mga iligal na numbers game sa mga lugar na walang STL.
Gayunman, ang nirebisang rules ay bumabaha ng mga probisyon na labag sa batas.
Isa pa sa iligal na probisyon, kinakailangan na ito ay kaagad na ipatutupad pagkatapos ng pag-apruba ng board sa halip na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang inatasan ni Duterte na ihinto ang operasyon ng PCSO dahil sa malawakang korapsiyon kung saan inatasan ang Department of Justice na mag-imbestiga pero kalaunan ay iniutos naman sa NBI ang imbestigasyon. (Andi Garcia)