Advertisers
ARESTADO ng tatlong bigtime drug pushers nang mahulihan ang mga ito ng bulto bultong shabu na nagkakahalaga ng P136 million ng mga elemento ng Philippine National Police- Drug Enforcement Group (PNP -DEG) sa buy bust operation sa Pasig City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Joel Narido y Lumbre alias “Noel”, 39, ng 290-3 Westbank road, Maybunga, Pasig City; Maria Teresa Concil y Sapatero, 35; at Ronald Solomon, 41, kapwa ng 1664 Onyx Street, San Andres Bukid, Manila.
Ayon kay BGen Romeo Caramat Jr., kumander ng PNP -PDEG, 7:00 ng gabi nang magsagawa ng buy bust operation ang pinagsanib na elemento ng Special Operations Unit 4 PNP-PDEG, Drug Enforcement Unit- Eastern Police District (DEU- EPD), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA- NCR) sa Westbank road.
Narekober ng mga otoridad sa mga suspek ang 20 vaccuum sealed transparent plastic pack na naglalaman ng shabu na nakabalot sa ‘Guanyinwang’ Chinese tea bag. Tinatayang nasa kabuuan 20 kilos ng shabu ang nasamam na nagkakahalaga ng P136 million.
Sa report, may kaugnayan ang 3 nadakip sa isang sindikato na sinalakay ng mga otoridad at nakuhanan ng 800 kilos ng shabu sa Bulacan nitong nakalipas na buwan.
Nagsasagawa pa ng mga followup ang mga awtoridad para matukoy ang pinagmulan ng bultu-bultong droga. (Mark Obleada/Edwin Moreno)