Advertisers
Nakakadismaya kung bakit may mga taong mahilig pumapel kahit na patay pa ang gagamitin, makapagpasikat lang sa Facebook.
Nito lang linggong ito, may nagpalabas sa FB ng isang post kung saan sinasabi na nagpapasalamat daw sila ‘sa pagtugon sa ating mungkahi at hiling in honor of our beloved mayor Lim…soon Alfredo S. Lim university.’
Tapos, isinama sa post ang isang artikulong lumabas sa People’s Tonight kung saan banner story ang desisyon ni Mayor Isko Moreno na papalitan ang pangalan ng Universidad de Manila (UDM) bilang Alfredo S. Lim University o ASLU.
Maliwanag pa sa sikat ng araw. Gustong palabasin nung nag-post na dahil sa kanya kaya ipapangalan ang UDM kay Mayor Lim. Para bang utusan lang niya ang mayor, vice mayor at mga konsehal na siyang magta-trabaho para mabuo ang planong pagbabago ng pangalan ng UDM? Hanep, ano?
Gusto ring palabasin ng nag-post na utang sa kanya ng mga naiwang pamilya ni Lim na mabibigyan ng parangal si Mayor Lim at kung hindi dahil sa kanya ay hindi man lang maaalala ng mga nakaupo si Mayor Lim.
Para bang hindi karapat-dapat si Mayor Lim sa karangalang ito kaya kailangang may mag-push pa talaga. Ibig ba sabihin ng nag-post na ganun siya katindi at nanginig sa kanyang ‘mungkahi at hiling’ ang lahat ng opisyal ng City Hall, mula Mayor hanggang Vice Mayor at lahat ng konsehal kaya nataranta sila at agad nagdesisyong palitan ng ASLU ang UDM?
Sa aking palagay, kundi may yadsa, nakatira ng floorwax o lasing o nasaksakan ng anaesthesia ang mukha kaya kahit hindi kapani-paniwala at magmukha siyang tanga at katawa-tawa ay inaangkin niyang pilit ang kredito na ni katiting ay wala naman siyang kinalaman.
Para sa kaalaman ng lahat, ni hindi pa lumalabas sa publiko ang pagyao ni Mayor Lim ay inihayag na ni Mayor Isko Moreno ang desisyon niyang ipangalan ang CCM kay Mayor Lim, at ito ay napag-usapan kaagad nila ni Vice Mayor Honey Lacuna.
Tahimik nila itong tinrabaho dahil ayaw nilang umepal. Tapos heto ang isang kumag na biglang eepal at palalabasing siya ang dapat pasalamatan ng lahat?
Kahit pa isang toneladang ‘mungkahi at hiling’ kung ayaw ng mayor at vice mayor at ng mga konsehal, may mangyayari ba? Madaling magsalita sa FB pero ang patunayan ang iyong mga pabida, ‘yan ang dapat mong gawin.
Dapat, pag nagyabang ka, samahan mo ng pruweba. Na ganoon na lang ang iyong kapangyarihan na napakilos mo ang buong City Hall sa simpleng ‘mungkahi at hiling.’ Boss ka ba nila? Takot ba sila sa ‘yo?
Kung ‘yung mismong mga taong gumawa ng pabor kay Mayor Lim tahimik lang na kumilos dahil mahal nila si Mayor Lim, sana ‘yung mga nagsasabing mahal din daw nila si Lim, tigilan na ang paggamit sa kanya para magpasikat at patahimikin na lang ang kanyang kaluluwa.
Ako alam ko talaga na initiative ni Kois yan.
Kung nabubuhay lang si Mayor Lim, siya mismo ang magagalit dahil ayaw na ayaw niya ng sinungaling, maepal at mang-aagaw ng kredito.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.