Advertisers
PARANG si Poncio Pilato, na matapos mabuko ang mga katiwalaan ay naghuhugas kamay daw ang nabunyag na tiwali at balasubas na dean ng Lyceum International Maritime Academy (LIMA) sa Batangas City.
Kaya lamang sa kanyang hangad na pagpapapogi sa mga estudyante at magulang ng LIMA, ay sinangkalan naman ni Dean Alexander A. Gonzales ang mga miyembro ng print at broadcast media na aniya ay naging kasangkapan sa kinasangkutan nitong malaking eskandalo.
Sa isang meeting na dinaluhan din ng mga student leaders ng LIMA may ilang araw pa lamang ang nakararaan, inakusahan ni Gonzales ang mga mamahayag na nababayaran daw kaya gayon na lamang ang pagbubulgar sa matagal na palang mga delihensya at kabalbalan ng naturang dekano sa nasabing akademya.
Ang masasabi po natin kay Mr. Gonzales, “kung wala kayong itinatagong nabubulok na kalansay sa LIMA” ay wala ring mangangamoy na baho mula sa inyong bakuran!
Nadadamay tuloy ang malinis na pangalan ng pamilya Laurel at ang Presidente ng Lyceum of the Philippines University-Batangas na si Peter Laurel na dating Bise Gobernador ng Lalawigan ng Batangas sa inyong mga kabalbalan”.
Napakarami pang anomalya ang isiniwalat sa inyong lingkod ng mga magulang at mag-aaral para iparating sa management ng Lyceum of the Philippine University-Batangas. Mistulang harap-harapan pala ang pangungulimbat ni Gonzales sa mga estudyante ng LIMA.
Pero kataka-takang di pa ito inaaksyunan nina Laurel at ng management ng Lyceum of the Philippines University-Batangas, kaya patuloy pa ring nakakapangunyapit sa kanyang posisyon sa LIMA si Gonzales.
Nabunyag naman na hindi pala kalakaran o mandatory requirement ng Comission-on Higher Education (CHED) at Maritime Industry Administration (MARINA)) na ipatupad sa mga marItime school tulad ng LIMA ang napakagastos na In-House Policy.
Sa pagkabunyag ng mga pinagkikitaan ni Gonzales sa LIMA ay nakadidismayang nakaladkad din ang partisipasyon ng isa sa empleyadang kalaguyo diumano ni Gonzales sa pangongolekta ng bayad sa negosyong t-shirt mula sa mga student cadet na sumasailalim sa In-House Policy sa nasabing eskwelahan.
Pansamantalang di muna natin ibinunyag ang pangalan ng “kulasisi” diumano ni Gonzales batay sa dalawang pahinang salaysay ng isang ex- LIMA student na nakaranas ng panggigipit ni Gonzales.
Ang nasabing empleyada ang bumibili diumano ng t-shirt sa pamilihan, nagpapatatak at kumokolekta ng bayad, gamit na kolektor ang mga class president ng kada section ng mga mag-aaral. Ito ay isa lamang sa napakaraming delihensyang ibinunyag sa sinumpaang salaysay ng nasabing dating LIMA student.
Kabilang pa sa mga akusasyon kay Gonzales ay ang pangungumisyon nito sa bayad sa pagpapagupit ng mga estudyante. Halagang Php 20 diumano ang komisyon na kung susumahin ay umaabot sa Php 28,000 na pinaghahatian nina Gonzales at ng nakatalaga sa LIMA na coastguard in detailed service mula sa kabayarang Php 50 na singil ng barbero sa kada mag-aaral.
Sobrang lupit naman at napakaganid sa kwarta nitong si Gonzales kung tunay ang bintang na pati na halagang Php 10 na komisyon sa gupit ng buhok ng student cadet ay pinapatulan pa nito? Sabagay umaabot din pala sa Php 19,000 ang napaparte ni Gonzales kung totoo ang bintang sa tuwing magpapagupit ang mga student cadet.
Kung may katotohanan ang akusasyon laban sa kanya, hindi pala talaga nakapagtatakang naging milyonaryo na si Gonzales?
Nagbabayad din ng halagang mula Php 175- Php 220 ang humigit-kumulang sa 700 estudyante sa daily meal sa kantina na hinihinalang pinatatakbo ng dummy ni Gonzales.
Ang mga bed sheet ng student cadet ay ipinahahakot din ni Gonzales para ipalabada, kaya suma total ay pinagkikitaan din ito ni Gonzales?
Hindi rin daw makatarungan ang paniningil ni Gonzales para sa Community Extension Program (COMEX) na dapat kasama na sa mga binabayarang Php 64,000-Php69,000 tution fees ng mga estudyante. Pati na ang bayad sa transportasyon ay ang mga estudyante pa rin ang “pinasusuka” daw ni Gonzales gayong dapat ay sagot ito ng eskwelahan.
Maging ang raket sa tutorial job ni Gonzales ay ibinunyag din ng dating LIMA student. Di rin nakaligtas ang kitaan ng dekano sa illegal bunkering.
Nagpapadeliver diumano si Gonzales ng petroleum product sa mga sasakyang dagat sa Batangas City Bay hanggang sa Pola, Oriental Mindoro sa oras ng kanyang trabaho sa LIMA.
Hindi rin naipaliwanag ni Gonzales kung bakit sinisingilan pa nito ng Php 150 na bayad sa mineral water ang mga student cadet gayong umuupa na ang mga ito sa kanilang pagtira sa LIMA dormitory ng mula Php 2,900-Php 4,000 kung saan dapat libre na ang inuming tubig ng mga estudyante.
Sa isang sulat naman sa CHED-MARINA ay nadiskubre ng SIKRETA ang katiwalian din ni Gonzales sa pagtatalaga ng di kwalipikadong Marine Professor sa mga major subject ng maritime students. Ito ay malinaw diumano na paglabag sa alituntunin ng nasabing ahensya.
Ngunit nagagawang pagtakpan ni Gonzales ang panlilinlang nito sa CHED-MARINA sa pag-aasign ng mga kwalipakidong propesor tulad ng Master Mariner sa araw ng inspection at evaluation ng CHED-MARINA sa nabanggit na akademya.
Iisa naman ang depensa ni Gonzales sa harap ng mga akusasyon laban sa kanya, nababayaran daw ng mga taong may galit sa kanya ang hanay ng mga tulad nating mamamahayag kaya ibinubulgar ang katakot-takot na katiwalian sa nasabing institusyon.
Nabatid ng SIKRETA na lahat na incoming 2nd year college sa kursong Bachelor of Science in Marine Transportaion at Marine Engineering sa nasabing Academy na nasa Brgy. Cuta, ay sumasailalim sa In-House Policy ng LIMA na si Gonzales ang utak para ipairal.
Pangako ni Gonzales sa mga student cadet ay di pa man ng mga ito natatapos ang kanilang In-House Policy schooling ay alam na ng mga ito ang kompanya ng mga barkong kanilang sasampahan. Ngunit nadiskubre naman ng mga estudyante na nalinlang sila ni Gonzales nang patunayan ng Lyceum of the Philippines University -Batangas management na wala itong barko para makasampa ang mga kadete.
Sa kontrobersyal na In-House Policy ng nasabing akademya ay nagkaroon ng kaliwa’t- kanang tila pandarambong na aktibidad si Gonzales at ng kalaguyo nito. Marami pa tayong ibubunyag, kaya tutok pa mga KASIKRETA…
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com