Advertisers

Advertisers

DOH kinalampag ni Bong Go: COVID-19 victim itinaboy ng 4 ospital, patay

0 272

Advertisers

MULING kinalampag ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Health (DoH) upang malaman kung ano na ang resulta ng ginawa nitong aksyon o imbestigasyon sa reklamo laban sa mga ospital na nagtataboy ng mga pasyente, imbes magbigay ng paunang lunas sa harap ng COVID-19 pandemic.

Ito ay kasunod ng nakarating na pinakabagong report sa senador hinggil sa masaklap na nangyari sa isang dating government worker na namatay matapos tanggihan ng apat na ospital sa Metro Manila dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

“Has the DOH already investigated these cases? What is the status of the investigation? Ano na ang mga hakbang na ginawa upang mapanagot ang mga ospital na tumangging magbigay ng paunang lunas sa mga pasyente?” ang tanong ni Go.



“Bilang chair ng Senate committee on health, nanawagan na ako noon na aksyunan na ang mga napapaulat na pagtaboy ng mga ospital sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong medikal,” ang dagdag niya.

Dismayado si Go dahil sa pagkamatay ng isang Richmond Rondanilla, dating government worker na may mga sintomas ng COVID-19 at nasa malala nang kondisyon ngunit hindi tinanggap ng may apat na ospital.

Malungkot at galit na galit ang pamilya Rondanilla dahil sa nangyari kaya humihingi sila ng hustisya. Tanong nila ay kung sino ang dapat managot sa pagkamatay ng mahal nila sa buhay.

“Ilang buhay pa ba ang mawawala para matuldukan na ang ganitong mga pangyayari? Pakiusap lang po, pakinggan ninyo ang mga hinaing at reklamo ng mga ordinaryong Pilipino,” ang sabi naman ni Sen. Go.

“’Wag na po natin kawawain ang kawawa at pahirapan pa ang mga naghihirap,” ang apela niya.



Sa Republic Act 10932, ang isang pasyente ay papayagan lamang ilipat sa ibang ospital kung nabigyan siya ng kinakailangang emergency treatment and support.

Sa kaso umano ni Rondanilla, inilipat-lipat siya sa apat na ospital dahil tinanggihan ng mga doktor nang hindi man lamang nasusuri.

“Our laws are clear and must be strictly enforced to protect the lives and welfare of our people. These alleged incidents are in clear violation of Republic Act 10932 which allows the transfer of a patient only after necessary emergency treatment and support have been administered to stabilize the patient,” ang paliwanag ni Go.

Matatandaan na sa mga nakaraang insidente, isang babae ang namatay sa panganganak sa Caloocan City dahil hindi tinanggap ng anim na ospital habang may isa ring namatay na pasyente nang hindi asikasuhin dahil walang maibigay na deposito sa ospital.

Ikinatuwiran ng mga pasilidad ang kawalan ng espasyo para sa in-patients at kakapusan ng supply ng dugo.

Kasunod nito ay may tatlo pang pasyente na namatay dahil din sa katulad na kadahilanan: Isang buntis na natodas nang itaboy ng apat na ospital sa Maynila, isa pang pasyente na namatay na lang sa kalsada nang hindi tanggapin ng anim na ospital sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija at isang babaeng pasyente sa Caloocan na tinanggihan naman ng siyam na ospital. Ang mga nasabing biktima ay pawang hindi man lamang nabigyan ng emergency treatment.

May dalawa ring sanggol sa Maynila na binawian ng buhay sa karamdaman nang tanggihang gamutin ng mga ospital.

Ayon kay Go, hindi dapat ganito ang gawing pagtrato ng mga ospital sa mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyo.

“Sa mga ospital, ibigay ninyo ang serbisyong dapat ibigay. Magtulungan po tayo. Kayo po ang tinitingala namin dahil sa sakripisyo at serbisyo ninyo sa pagligtas ng buhay ng mga may sakit.”

“Pero hindi naman namin mapapalampas kung kayo mismo ang naging dahilan ng pagkawala ng buhay ng kapwa nating Pilipino,” anang senador.

Kaugnay nito’y hiniling ni Sen. Go sa National Task Force on COVID-19, gayundin sa Department of Justice at National Bureau of Investigation na matuldukan na ang ganitong gawi ng mga ospital sa bansa at parusahan ang mga hospital administrator na mapatutunayang guilty sa kapabayaan.

“Let me remind you that every time you let this pass, lives are lost.”

“Ilang beses na akong umapela sa mga ospital na huwag itaboy ang mga pasyente, lalong lalo na ang mga nangangailangan ng emergency care,” ani Go.

Ipinaalala niya ang sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga ospital ay sanktuwaryo ng mga may sakit at hindi dapat namimili ng mga taong gagamutin. (PFT Team)