Advertisers
NAGPAKITA ng malasakit ang isang nurse na habang naghihintay ng masasakyan ay tumulong ito sa barangay rescue team upang paanakin ang isang buntis na street dweller sa Makati City nitong Martes.
Ayon kay barangay rescue committee head Christian Jacinto, kaagad silang rumisponde matapos silang makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen na isang buntis na street dweller ang manganganak sa kahabaan ng Osmeña Avenue, Brgy. Bangkal ng nabanggit na lungsod.
Habang ang nurse namang si Loraine ay naghihintay ng masasakyan ay nakita niya ang rescue team at nag-alok ito ng tulong para paanakin ang babae.
Gamit ang medical equipment ng barangay rescue team, pinutol ni Loraine ang umbilical cord ng sanggol na pinanganak ng 31-anyos na ina bago ito isinugod sa isang ospital gamit ang isang ambulansiya.
Dahil dito, hinangaan ng rescue team ng Brgy. Bangkal at ina ng sanggol ang ginawang pagmamalasakit ng naturang nurse na nagpakilala lamang sa pangalang Loraine. (Gaynor Bonilla)